Number coding, suspendido sa November 19 – December 14

Sinuspinde ng pamahalaang panlungsod ang number coding scheme para sa mga pribadong sasakyan lamang mula Nobyembre 19 hanggang Disyembre 14 para sa 65th Mine Safety and Environment Week at 69th Fil-Am invitational amateur golf tournament.
Ang Administrative Order No. 195, series of 2018 ay nilagdaan ni Mayor Mauricio G. Domogan upang maging magaan ang paglilibot ng mga inaasahang kalahok at bisita para sa naturang dalawang kaganapan.
Mula Nobyembre 20 hanggang 23, 2018, ay gaganapin sa lungsod ang 65th Annual Mine Safety and Environment Conference ng Philippine Mine Safety and Environment Association (MSEA) na may inaasahaang 500 mining industry stakeholders na makikidalo upang talakayin ang mga mahahalagang isyu na nakakaapekto sa industriya ng pagmimina.
Ang tema ng PMSEA ngayong taon ay “65 years of responsible mining: Industry and Regulator together in advocating and promoting responsible mining.”
Samantala, mula Nobyembre 28 hanggang Disyembre 15, 2018, ay mahigit 1,300 amateur golfers mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang darating sa lungsod para sa 69th Fil-Am invitational amateur golf tournament na gaganapin sa Baguio Country Club (BCC) at Camp John Hay.
“We need to suspend the implementation of the number coding scheme for all private vehicles only in the city on the aforesaid dates in order to provide members of the mining industry and other stakeholders and our golfers, visitors and their families convenient and stress-free journey around the city to help boost the city’s identity as the prime tourist destination,” ani Domogan.
Ang Ordinance No. 01, series of 2003 na inamyendahan ng Ordinance No. 107, series of 2008 ay ang Baguio City Number Coding Ordinance.
Isa sa mga probisyon ng ordinansa ang exemption ng mga pribadong sasakyan at mga inuupahang public utility vehicles ng mga bisita, turista at bakasyunista o mga kalahok ng mga aktibidad gaya ng mga kombensyon, komperensya at asembleyo basta ang mga isponsor ng mga pagpupulong o pagtitipon ay kailangang magbigay sa mga kalahok ng nararapat na stickers o dokumento na nagsasaad na sila ay partisipante.
Ang Baguio Number Coding Scheme ay isang paraan upang mabawasan ang dami ng mga sasakyan sa mga kalsada sa central business district upang maging magaan ang daloy ng trapiko sa lungsod. BAGUIO PIO / ABN

Amianan Balita Ngayon