Demolisyon sa mga ilegal na gusali sa Busol, ipapatupad

Sinabi ng City Legal Office na ang demolisyon sa mga ilegal na istraktura na itinayo ng mga pribadong indibidwal sa nasasakupan ng Busol watershed ay maaari nang ipatupad anumang sandali.
Ipinaliwanag ni City Legal Officer Atty. Melchor Carlos Rabanes na wala nang anumang legal na sagabal para maisakatuparan ang naturang demolisyon.
Aniya, pinagtibay ng Supreme Court (SC) ang legalidad at bisa ng demolition order na inilabas noong 2003 ni dating Mayor Bernardo M. Vergara para sa paglansag sa mga ilegal na istruktura sa iba’t ibang bahagi ng naideklarang forest reservation.
Dagdag nito, ang araw at oras para maipatupad ang order ay itatakda ng City Buildings and Architecture Office (CBAO) demolition team.
“There is no more legal impediment in the enforcement of the demolition order for the dismantling of illegal structures erected on various portions of the Busol watershed because the Supreme Court already affirmed the demolition order that was issued way back in 2003,” giit ni Rabanes.
Aniya, hindi na kailangan pa ng hiwalay na demolition order mula sa local chief executive upang maipatupad ang demolisyon dahil ang naunang demolition order na inilabas ng nakaraang administrasyon ay may bisa pa rin.
Sinabi ni Rabanes na ang pagpapatibay ng SC ruling sa demolition order ng nakaraang administrasyon ay dapat na magsilbing babala sa mga taong nagtayo ng kanilang mga bahay sa iba pang reservation areas sa lungsod dahil patuloy na isusulong ng lungsod ang paglansag sa mga ilegal na istraktura bilang bahagi ng pagsisikap ng lokal na gobyerno na mapangalagaan at maprotektahan ang kalikasan.
Paliwanag pa nito na ang city legal office ang naghahanda sa mga demolition notices at orders para sa pagtatanggal ng mga ilegal na istraktura sa forest reservations ngunit ang implementasyon ng mga ito na nilagdaan ni city administrator Carlos M. Canilao at awtorisado ng city mayor ay nasa ilalim ng demolition team ng CBAO.
Aniya, may mga demolition orders nang nailabas para sa paglansag ng mga ilegal na istraktura sa magkakaibang tituladong pribado at pampublikong lupa sa lungsod habang may mga demolition orders din na tinututulan ng mga claimants at kasalukuyang isinasailalim sa litigasyon sa mga hukuman sa lungsod.
Sinabi nito na ang mabilis na paglipat ng mga tao mula sa kanayunan patungo sa lungsod ay isa sa pangunahing nagdudulot ng mabilis na urbanisasyon at nagdudulot ng mga problema sa basura, trapiko, at paglipana ng informal settlers. BAGUIO PIO / ABN

Amianan Balita Ngayon