Operation greyhound, papaigtingin sa city jail

Matapos na nahulihan ang isang ginang na sinubukang magpuslit ng marijuana sa kanyang pagbisita sa anak na nasa kulungan ay ipinangako ng Bureau of Jail and Penology (BJMP) na paiigtingin ang Operation Greyhound sa loob ng Baguio City jail.
Ipapatupad rin ang mas masusing pagkapkap sa mga bisita na papayagan lamang makapasok kapag visiting hours.
Ayon kay Chief Inspector Crispin Dornagon ng BJMP-Baguio City male dorm, ang mahigpit na inspeksyon at pagkumpiska ng kontrabando ay bunsod ng pagkaaresto ng isang babae na sumubok magpasok ng dried marijuana leaves sa loob ng kulungan noong Linggo (Nobyembre 4).
Bagaman hindi pinangalanan ni Dornagon ang babae ay sinabi nito na ang ginang ay bumibisita sa kanyang anak na nahaharap sa kasong pagnanakaw at karahasan.
“Yesterday during the inspection, one of the visitors tried to smuggle 0.25 grams of dried marijuana leaves inside of this facility,” pahayag ni Dornagon sa isang panayam noong flag raising ceremony noong Nobyembre 5 sa city hall grounds.
Aniya, ang babae ay 40 anyos at nagtatrabaho bilang manikurista sa isang beauty shop sa lungsod.
“Visitors now will not be allowed to wear jackets and shoes when entering the jail,” ani Dornagon. Dagdag pa niya, bumuo sila ng mga patnubay para sa mga bibisita sa kulungan upang maiwasan ang pagpasok ng mga kontrabando lalo na ang ilegal na droga.
Ipinayo ng warden sa mga gustong bumisita sa kulungan na magsuot lamang ng tsinelas upang makaiwas sa abala.
“We are doing our best to avoid this kind of situation, we do not want visitors smuggling drugs inside,” aniya.
Halos isang buwan na ang nakalipas ay isa pang bisita ang dinakip dahil sa pagtatangkang magpasok ng ilegal na droga sa loob ng Baguio City jail.
Sinabi ni Dornagon na pinagsisikapan nilang malinis sa droga ang city jail na direktiba ni Presidente Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng BJMP at ng Department of Interior and Local Government.
Kaugnay nito ay ang pagpapatupad ng random drug testing sa mga persons deprived of liberty (PDLs) at mga tauhan ng city jail.
“As of now, no PDL has been found positive during the conduct of our monthly random drug testing,” aniya.
Umapela ito sa mga bisita na huwag nang tangkain pang magpuslit ng droga sa loob ng kulungan.
“We are serious in our mandate to make the jail drug free. We are just following the directives given to us, most especially this is one of the directives of the President [Rodrigo Duterte]. We are just doing our job,” aniya.
Samantala, ang Baguio City Jail Female Dorm (BCJFD) ay naideklara nang “drug free and drug cleared” jail facility mula Setyembre 27. Makikita ito sa tabi ng male dorm at nahahati ng rehas at kandado upang maiwasan magkatagpo ang mga babae at lalaking PDL. P.M.GEMINIANO, PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon