P7.5M cash aid sa senior citizens sa Kalinga, inilabas ng DSWD

LUNGSOD NG TABUK, Kalinga – Inilabas na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang P7.524 milyong halaga sa ilalim ng Unconditional Cash Transfer Program para sa senior citizens dito.
Ayon kay Bella Manuel ng Tabuk City Social Welfare and Development Office, may 3,135 indigent at mahinang senior citizens ang nakakuha ng P2,400 annual cash assistance bawat isa.
Sa Tabuk, mahigit 10,000 senior citizens ang nakarehistro ngunit 3,135 lamang ang kwalipikado para sa naturang tulong.
Ang mga kwalipikadong benepisyaryo ay tumatanggap ng buwanang suporta na P200 maliban pa sa regular na social pension na ibinabahagi ng DSWD sa senior citizens.
Pinuri naman ni City Mayor Ferdinand B. Tubban ang mga nakatatanda na aktibo pa rin sa mga proyekto sa komunidad sa kabila ng kanilang edad.
Sa ilalim ng programa nito, iniisponsor ng pamahalaang lungsod ang buwanang social pension at nagbibigay ng mortuary at livelihood assistance sa mga senior citizen. PIA KALINGA / ABN

Amianan Balita Ngayon