Pag-imbentaryo ng mga pine tree sa Baguio, iniutos

BAGUIO CITY—Iniutos ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) secretary Roy Agullana Cimatu sa lokal na opisina ng DENR Baguio na magkaroon ng imbentaryo ng mga puno ng pino o “Pine Tree” sa lungsod.
Ang DENR ay naglalayong malaman ang aktwal na bilang ng mga puno ng Pine Tree sa Baguio City upang makapagpasiya kung
magkakaroon ng rehabilitasyon para mapangalagaan ang mga
puno.
Sinabi naman ni DENR-CAR Regional Director Ralph Pablo na nagsimula na sila ng kanilang pananaliksik tungkol sa mga puno ng pino sa Baguio City, lalung-lalo na tungkol sa mga IPS na sumisira ng mga puno alinsunod sa utos Secretary Cimatu.
Hinahangad niyang magkaroon ng isang pulong sa mga opisyal ng barangay upang hikayatin ang kanilang mga residente sa kanilang
barangay na magtanim ng pine tree.
Ang isa pang utos mula sa national office para sa lokal na tanggapan ng DENR ay makipagpulong sa Space Environment Testing Management Office (SETMO) upang talakayin ang tungkol sa
paggamit ng Baguio sa lupa at kontrolin ang pagbibigay ng mga permit sa mga gustong magtayo ng gusali hanggat hindi natatapos ang imbentaryo.
Binigyan sila ni Secretary Cimatu ng isang buwang ultimatum para tapusin ang imbentaryo ng mga Pine Tree sa Baguio City.
Ayon kay Director Pablo, magsasagawa siya ng pagpupulong kasama ang iba pang mga opisyal upang matupad ang kahilingan at mga nais ni Sec. Cimatu na mapanatili ang kagandahan ng kapaligiran sa lungsod.
Idinagdag pa ni Pablo na gagawin nila ang kanilang makakaya at hihingi sila ng tulong sa lahat na posibling mahingan ng tulong upang matugunan ang palugit na ibinigay sa kanila.
Ang utos na ito ay upang maiwasan ang labis na paggamit ng lupa sa lungsod sanhi ng pagputol ng mga pine tree, atpara mapaalalahanan ang mga mamamayan ng Baguio na huwag kalimutan ang pagkakakilanlan nito bilang “city of pines”, na dinarayo ng mga turista dahil sa malamig nitong klima.
 
 
Saissem Hortelano, UB Intern/ABN

Amianan Balita Ngayon