PANAGBENGA FESTIVAL SINIMULAN SA PAGBUBUKAS NG GARDEN EXHIBIT, MARKET ENCOUNGTER SA BAGUIO CITY

BAGUIO CITY

Sinimulan ang makasaysayang pagdiriwang ng 28th Panagbenga Festival 2024 sa pagbubukas ng
Panagbengascapes and Market Encounter,noong Pebrero 1, sa Baguio City. Sa temang “Celebrating Traditions, Embracing Innovation”, pinasinayaan nina Mayor Benjamin Magalong, Congressman Mark Go, mga opisyal ng lungsod at opisyal ng Baguio Flower Festival Foundation Inc. ang Garden Exhibits ng Panagbengascapes open category competition na makikita sa gilid ng Melvin Jones Football Ground, Burnham Park.

Ang mga propesyonal na landscaper mula sa Wood, Rock, at Flowers Group ay nagsumite ng anim na entry, habang ang limang entry ay nagmula sa Panagbenga Landscaper Society. Ang 11 kalahok ay lahat ay may mga entry sa open
landscape category at vertical category na makikita sa gilid ng Market Encounter sa Burnham Park. Ang garden exhibit ay libre na matutunghayan mula Pebrero 1 hanggang Marso 3.

Ang Market Encounter ay pinasinayaan din sa loob ng Burnham Park, kung saan ang mga residente at turista ay makakabili ng iba’t ibang produkto sa murang halaga. Malaki ang pasasalamat ni Magalong sa organizer ng Market Encounter na maayos, maganda at organisado ang mga booth ng mga mangangalakal. “Nakikita natin taun-taon na nagle-level up ang ating selebrasyon dahil sa pagkakaisa at pagtutulungan ng pamahalaang lungsod at ng BFFFI, upang pagbutihin at pagyamanin ang pagdiriwang ng makasaysayang okasyong ito tuwing Pebrero,” ani Magalong.

Sa Sabado, Pebrero 3, isa pang highlight ng selebrasyon ang Panagbenga Drum and Lyre Streetdancing Competition
kung saan lalahok ang mga elementary students. Ang inaasahang pagdagsa ng mga turista na muling magpapasaya sa mga highlight ng Panagbenga Festival ay ang engrandeng streetdancing competition mula sa high school at open category at iba pang cultural groups sa Pebrero 24. Sa susunod na araw, Pebrero 26, inaasahang dadagsa rin ang mga manonood sa makulay at engarbong Flower parade ng small and big float category.

Zaldy Comanda/ABN

SUPPORT MSME

Amianan Balita Ngayon