Pangasinan hinirang na best NSM province implementer

LINGAYEN, PANGASINAN – Tinanggap ng lalawigan ang award para sa pagiging regional champion sa Best National Statistics Month (NSM) Province Implementer sa pagtatapos ng 29th National Statistics Month noong Oktubre 29 sa Bangko Sentral ng Pilipinas, San Fernando City, La Union.
Bilang kinatawan ni Governor Amado I. Espino III ay tinanggap ni Provincial Planning and Development Officer (PPDO) Benita M. Pizarro ang 2018 Best NSM Province Implementer regional award mula kay Philippine Statistics Authority (PSA) OIC-Chief Administrative Officer Atty. Sheila O. De Guzman.
Sa kanyang mensahe ay pinuri ni De Guzman ang lahat ng local government units (LGUs) sa kanilang patuloy na suporta sa taunang selebrasyon ng NSM na nagsusulong sa kahalagahan ng istatistika sa lahat ng sekyor at ang pagtatamo sa partisipassyon ng publiko sa pagpapataas sa mga istandard at kalidad ng istatistika sa lipunan.
Ang mga estudyante sa sekondarya at tersiyaryo na kumatawan sa lalawigan ay nangibabaw sa 11 competition categories ng mga aktibidad ng NSM na kinabibilangan ng oratorical contest, essay writing, poster at slogan making, statistics quiz at jingle making contest.
Ang mga ipinanalong championship ng Pangasinan ay ang Poster-Slogan Making (Secondary at Tertiary) sa pamamagitan nina Angelo Joshua Pamo ng Alaminos City National High School at Joe Alaizon Castillo ng Panpacific University North Philippines Tayug; sa Essay-Writing Contest (Secondary) – Ceedrick John Viray Nunez ng Alaminos NHS; at Jingle-Making Contest (Secondary at Tertiary) – Calasiao Comprehensive National High School at Kingfisher School of Business and Finance.
Ang iba pang nanalo ay sina Rovecel Margaux Radovan ng Alaminos City NHS (2nd place) at Lea Joy S. Fernando from Pangasinan State University–Alaminos City (4th place) para sa oration (secondary & tertiary level); Iramia Laza, Alyssa Mae Castillo at Marvin David Angelo Bullaga ng Bayambang NHS (4th place) at Joanalen Cacatian, Renzo Sison at Ronald Paul Aragona ng Kingfisher School of Business and Finance (2nd place) sa statistical quiz contest (secondary & tertiary level); Reika Mae Pascua ng PSU–Alaminos City (2nd place) at Diana Rose C. Purganan ng DepEd Alaminos City (4th place) para sa essay writing contest (tertiary level and employee category).
Matatandaan na ang Pangasinan ay naging Best NSM province implementer sa tatlong magkakasunod na taon mula 2008 hanggang 2010 at mula 2014 hanggang 2016. Ang pangalawang regional NSM hall of famer award ay tinanggap ng probinsya noong nakaraang taon.
Ang pagdiriwang ng 29th NSM celebration ay may temang “Pagtuklas sa ganda ng Pilipinas sa pamamagitan ng mga numero estadistika para sa likas-kayang pag-unlad ng turismo”. S.M.C.DE GUZMAN, Pangasinan PIO / ABN

Amianan Balita Ngayon