PARANGAL AT PANGAMBA

HABANG buong pangamba nating inaantabayanan ang landas na tinatahak ni Jenny buong linggo,
ay ginulat tayo ng balitang limang parangal ang natanggap ng Baguio sa larangan ng turismo noong taong 2022. Sa isang maikling pahayag, ni Gladys Vergara, pangulo ng Baguio Tourism Council, kanyang idinitalye ang mga natatanging Pearl Awards na ipinagkaloob ng Association of Tourism Officers of the Philippines, ang pambansang samahan ng mga namamahala ng turismo sa kanya-kanyang lugar sa buong bansa. Ang mga nagwagi ay pinarangalan sa isang masayang programa na idinaos ng ATOP sa Boracay.

Narito ang nakamit ng Baguio: Engr. Aloysius Mapalo, grand winner ng Most Outstanding
Tourism Award. Siya ang punong abala na City Tourism Officer ng lungsod. para sa Best Month
Tourism Celebration 2022, grand winner ang Baguio city tourism office na nagsagawa ng mga
programang nagsulong ng turismo sa pakikipagtulungan ng Baguio Tourism Council.

Best Cultural Award, Ibagiw 2022 ng Baguio City ay firstrunner-up; Ang Creative Baguio City Council ang nangasiwa ng nasabing festival sa pamumuno ni Co-chair Dr. Raymundo Rovillos; Huminga Baguio, first runner-up sa Best Video for Tourism Promotions Award, na gawang-likha ni Direk Ferdinand L. Balanag; Mandeko Kito at Sining Eskinita, Session Road Sunday Showcase and Community Artscape, first runner-up for Best Program for Culture and the Arts Award, sa pangangasiwa pa rin ng CBCC Webes ng gabi, kabi-kabilang mga onine coverage ang ipinarating
ng tourism delegation ng lungsod.

Hindi magkamayaw ang saya na sa unang pagkakataon ang mga prestiyosong mga parangal galing sa ATOP ay makamit ng Baguio. Isa itong makasaysayang pagkilala sa mga sakripisyong ibinahagi ng mga tourism warriors dito sa lingsod, maibangon lamang ang sector ng turismo bilang
pangunahing pwersa ng pag-unlad sa kabila ng patuloy na panganib dulot ng covid-19 pandemic.
Hindi maikakaila ang inspirasyon ng good governance na itinaguyod ni Mayor Benjie Magalong upang palakasin ang turismo sa lungsod sa kabila ng mga hirap at sakit na dinanas ng mga
taga-Baguio sa panahon ng pandemya.

Masigabong palakpakan sa lahat ng bumubuo sa sector ng turismo, maging ang sector ng creative council na itinaya ang lahat ng kaisang-puso sa pagsulong ng crafts and folk arts, kung saan ang
Baguio ang unang creative Philippine city na ginawaran ng United Nations ng membership status sa Creative Cities Network. MULI, meron na namang balita na dapat ipaalaala sa sambayanan sa panahong hindi pa nasusupil si covid-19. May bagong virus daw, na hindi pa maseguro kung apo ni Covid-19, sa magkabilang tuhod, ang ngayon ay kumitil na nga anim na tao sa kontinente ng India.

Sabagay ay mga 4 na bilyon ang populasyon sa naturang lugar, at maaga pa upang muli tayong balutin ng pangamba. Kung maseguro na ng mga nakaaalam, ang mga ekspertong siyang gumabay sa buong kamunduhan nang sumalakay ng walang puknat at buong tindi si Covid noong unang mga buwan ng 2020, ay doon pa tayo makakabalangkas ng kaukulang stratehiya upang muling labanan ang bagong banta ng isang virus. Ngayon ay India, baka bukas makalawa – dahil na rin sa buong layang pagbubukas ng iba’t ibang bansa sa daigdig ng turismo at pagbyabyahe – nasa Tsina na, at hindi maglalaon ay nasa Pinas na.

Sa totoo lang, dapat ay mayroon na tayong mga liksyon na syang ating patnubay upang labanan ang bagong banta at panganib na dulot ng isang kinakatakutang panibagong pandemya. Sa panahon na hindi pa gaanong nalulupig si Covid-19, dobleng dagok ito sa ating mga bansang nakasalalay ang kaligtasan at kaayusan ng bayan sa mapaminsalang salot ng isa pang pandemyang nagbabadya. Ang akala pa naman natin ay nalalapit na sa hukay si Covid-19. Kung mayroon mang mga bagong kaso ng hawaan, mangilan-ngilan na lamang.

Nitong nakaraang dalawa at tatlong buwang singkad, parating kulang sa isang libong hawaan ang naitatala sa buong Pinas. Naghihingalo na nga si Covid-19. Aandanp-andap, tulad ng kanidlang ang baga ay untiunting nauupos. Harinawa, hindi kasing bangis ng sumisinghal na Covid-19 ang
bagong virus na kumitil na ng dalawang buhay sa India. Sana naman, sa awa ng ating Maykapal,
kung may katibayan na isang bumubuong virus ang nailunsad sa panahon ng tila ay walang hinto ng bangis ng Climate Change, sana naman ay hindi kasing bangis ang hagupit ng bagong banta at panganib sa sangkatauhan.

Eto nga tayo at tila dedma ng tuluyan kay Covid-19. Araw at oras na raw ang bibilangin hanggang
sa huling hantungan ay maibaon ng tuluyan ang pandemyang halos ay tatlong taon ding nanalasa sa buong mundo. Ang dapat lang sigurong dapat manduhan ay ang mga nangngasiwa ng pambansang kalusugan at kaligtasan. Sila ang nakaaalam at mayroon tayong pagasa na magamit ang mga pamamaraan ng paglaban at pagsugpo sa bagong virus.

Hindi na naiiba ang labang ating muling isasabalikat. Naranasan na natin ito. Si covid, anumang anyo at hugis ang kanyang mga bagong supling ay ating kakayanin. Kung halos tatlong taon, atin siyang nilalampasan, ano pa kaya ang ilang buwan ng patuloy na pagwasiwas sa kamandag ng virus. Angat Tayo Baguio! Manatiling nakatuon sa patuloy na pag-angat at pag-ahon. Diyan tayo merong asenso!#

Amianan Balita Ngayon