Pasasalamat sa sumasaganang pananampalataya, pag-ibig at pag-asa

Bago matapos ang bawat taon sa loob ng nakalipas na pitong taon ay hindi nakakalimutang magdaos ng pasasalamat kahit sa munting paraan ang pamunuan at mga kawani ng Amianan Balita Ngayon. Ang pagdaraos ng isang salo-salo at kasiyahan sa loob ng ilang oras ng Amianan Balita Ngayon at mga miyembro ng kani-kaniyang pamilya ay upang mag-alay ng taos-pusong pasasalamat at mga papuri sa Panginoong Diyos. At sa lahat ng pagkakataon, sa bawat taon ay hindi naming nakakaligtaang mag-alay ng pasasalamat sa Diyos dahil marubdob naming kinikilala ang Kaniyang walang-maliw na awa, kabutihan, biyaya at pagmamahal sa atin.
Sa katunayan, ang Amianan Balita Ngayon ay biniyayaan ng Diyos ng mga tagumpay sa bawat taon at ang 2018 ay hindi naiiba dahil sa kabila ng ilang pagsubok gaya ng mga kalamidad, mapagbantang estado ng kapaligiran, paghina ng negosyo, paglisan at pagkakasakit ng ilang kasamahan sa trabaho ay matagumpay pa ring naitawid ang taon – dahil sa di-matatawarang dedikasyon sa trabaho ng mga kasama sa publikasyon at mga masugid na tumatangkilik sa umuusbong pang pahayagan ng masang Pilipino at komunidad. Sa mga walang-sawa at patuloy na nagtitiwalang advertisers ay patunay na naging kasangga upang patuloy na maitaguyod ang Amianan Balita Ngayon ay walang pagsidlang pasasalamat ang aming tanging maibibigkas kalakip ang pangako na lalo naming pag-iibayuhin ang pagsulong at lalong ikagaganda ng ating pahayagan.
Ang bisperas ng Bagong Taon ay isang espesyal na oras kung saan bawat isa ay maaaring tanawin ang hinaharap para sa panibagong pagsisimula, sariwang mga pananaw sa buhay, muling pagpapatibay ng pagmamahal at di-mabasag na mga pangako sa mga mahal sa buhay para sa isang mas maganda at mas maliwanag na kinabukasan.
Sa oras din na ito ay maaari tayong gumawa ng mga espesyal na layunin at pangako sa sarili gaya ng pagiging malusog at magbawas ng timbang, pagtaguyod sa career goals o simpleng paglalaan at pagkakaroon ng mas mahabang panahon para sa pamilya at mga kaibigan. Ang mga layuning ito ay makakatulong sa atin na tingnan ang hinaharap na may positibo at puno ng pag-asang pananaw na sa bandang huli ay makikinabang tayo sa kabuuan.
Sa gusto man natin o hindi ay magbibigay ang bagong taon ng mga bagong hamon; mapagpunyagian man natin ang mga ito o hindi ang bagong taon ay may handog na mga bagong oportunidad. Huwag tayong matakot magkamali sa susunod na taon, dahil kung nagkakamali tayo ay nakakagawa tayo ng mga bagong bagay, sumusubok ng mga bagong bagay, natututo, nabubuhay, isusulong ang sarili, binabago ang sarili at binabago ang iyong mundo. Ginagawa mo ang hindi mo nagagawa pa noon at ang mas mahalaga ay may ginagawa ka. Ang Bagong Taon ay parang blankong libro at ang panulat ay nasa iyong mga kamay kaya pagkakataon mo nang sumulat na isang magandang istorya para sa iyong sarili. Dahil sa ang unang araw ng 2019 ay ang unang blankong pahina ng iyong 365 araw na libro kaya sumulat ka ng magandang kuwento.
Samantala ay ibaon na natin ang nakaraang taon lalo na ang mga masasamang pangyayari sa limot, hayaan na natin dahil hindi naging perpekto bagkus pasalamatan natin ang Panginoong Diyos na hahakbang pa tayo na may sumasaganang pananampalataya, pag-ibig at pag-asa.
Maligaya, matiwasay at pinagpalang Bagong Taon sa ating lahat, mula sa Amianan Balita Ngayon!
PMCJr.

Amianan Balita Ngayon