PATAPOS NA PEBRERO

NGAYON ANG huling lingo nitong buwan Pebrero, buwan ng pagmamahal, Para sa Baguio, ito ang buwan ng Panagbenga, ang taunang selebrasyon dinarayo ng sandamakmak na turista bisitang hindi magkandaugaga
makipagsiksikan sa madla. Para naman sa mga nagmamahalan, silang mga kandaugaga, halos mawalan ng malay at pag-iisip, lalo na nang a-katorse ng buwan, sila lamang biniyayaan na maging isa kahit na dalawa. Sa mga nag-iisa
namang ipinagdiwang ang kanilang pakikiisa, kahit na nagiisa, eh ano nga naman, may buhay pa rin kahit na nag-iisa. Hindi maitatatwa na dapat namang mamayani ang pag-ibig sa mga panahon ngayon.

Love Month na nga ang Pebrero. Buwan na dapat lamang na maibahagi ang pagmamahal. Ang siste lamang, sobrang
pagmamahal ang nangyayari. Ganoon ba talaga ang magmahal? Ganoon ba kasakit, lalo na kung nag-iisang nakikiisa? Sabagay, hindi lamang pagmamahal na galing sa puso, isip at diwa ang nangibabaw, hindi ba? Pati nga mga bagaybagay nakikiisa sa panahon ng pagmamahal. Bigas, sibuyas, kamatis. Gulay, karne, prutas. At lalo na ang bulaklak at tsokolate. At iba pang mga pang-araw-araw na bilihin. Nagmamahal bawat araw.

Ganito na nga siguro ang timpla ng pagmamahal. Kapag nandyan na, tuloy-tuloy ang agos. Tuloy din naman ang
daluyong sa buhay, na dulot ng patuloy na pag-inog ng hindi matatawarang pagmamahal. Paano nga ba hihimayin
ang mga hinaing ng sambayanan kapag umaagos ng walang balakid ang pagmamahal ng mga bagaybagay? Kung puso ang tatanungin, hayaan lamang. Hindi ba’t galing sa puso ang magmahal? Kung pag-iisip naman ang mamamayagpag, kelangan ngang pagtuunan ng masusing pansin. Bakit ang pagmamahal ay sinusukat sa halaga, at hindi sa kung ano ang nararamdaman?

Nasa presyo ba, at walang kwenta na ang halaga? Kaya naman, laging itinatanong ng barbero ko: Gaano na nga ba kadalas ang minsan? Kailan ba dapat bigyan ng tamang babala ang mga mamamayan sa sitwasyon ng sobrang pagmamahal? Ang siste, kailangan laging dinidilig ang naitanim. Dapat lamang, dahil kung hindi, malamang na huling hangganan ang sandaling wala man lamang naiwisik na pantawid-buhay, lalo na sa isang halamang binubuhay ng alaga, ng atensyon, maski na ng tensyon. Kaya naman, napapanahon na ating tanungin ang ating mga sarili: Dadalasan pa ba natin ang mga minsanang nangyayari?

Hindi maitatatwa na minsan lang na pinaiiral ang mga pagpapakita ng pagmamahal. Dalasan pa sana natin na mismo ang puso ang magdeklara na eto, sya na nga, ang itinitibok ng pusong inaaruga, inaalagaan. Ito ay usapin tungkol sa tama at mali sa larangan ng pagmamahalan. Tandaan natin na sa simula pa lamang, mahigpit ang kapit ng mga nagiibigan upang lalo pang yumabong ang inihihiyaw ng puso. Walang kyeme-kyeme, walang atubili, hayaan lamang na yumabong pa ang pagnanasang magmahal at mahalin. Sa panahong malamig ang panahon, kailangang iwasan lamang ang panlalamig. Ito ang hamon sa mga pagkakataong pagmamahal ang usapin hindi lamang ng puso kundi pati na ang isipan.

Pabayaan ng magmahal ang lahat, ang mga bagaybagay, pati na ang mga bulaklak at ang mga pananalitang
mabulaklak. Huwag naman sanang mapawi ang alab ng puso at talas ng isipan upang ang mga mahal ay lalo pang
mahalin. Dahil sa tiwala, ang lahat ay magaganap, anuman ang hamon, anuman ang panahon, anuman ang pagkakataon. Higit ano pa man, lalo na sa panahon ng pagmamahal. Hindi lamang sa patapos na Pebrero, kundi
pati na rin ang mga buwang sumusunod.

Amianan Balita Ngayon