PROPESYON NG FORESTRY PASIGLAHIN SANA

Mahigit nang 20 forest fires ang naitala sa Cordillera Administrative Region (CAR) kabilang ang Baguio City sa umpisa pa lamang ng 2024 ayon sa Bureau of Fire Protection – CAR (BFP-CAR), at nitong Pebrero 22 ay muling sumiklab ang mga sunog sa bandang Philippine Military Academy (PMA) reservation at sa Barangay Tabaan sa Mt. Sto. Tomas, Tuba, Benguet kung saan magpahangga ngayon ay nakararanas ng makakapal na usok sanhi ng nagpapatuloy na mga sunog sa kagubatan. Iniulat ng BFP-CAR ang 13 malalaking insidente ng sunog sa Cordillera sa taong ito kung saan naapektuhan ang mahigit 200 ektarya na karamihan ay pine forests.

Sinasabing ang pangunahing sanhi ng sunog ay pagsusunog sa mga taniman, pagsusunog sa mga basura, habang nagluluto at may sinding upos ng sigarilyo at paninigarilyo. May mga kaso rin ng kaingin. Sa ulat ng BFP-CAR ay mayroong 199 non-structural fires ang nangyari noong 2023, na mas mataas kaysa 102 noong 2022. Ang non-structural fires na mga insidente ay kasama ang mga sunog sa damo, sunog sa kagubatan at sunog sa basura. Dahil sa mga insidenteng ito ay nananawagan ang Cordillera Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (CRDRRMC) para sa isang nagkakaisa, community-based, at proactive na mga hakbang laban sa pangyayari ng mga sunog sa kagubatan sa rehiyon.

Sinabi ni Office of Civil Defense Regional Director at CDRRMC Chairperson Albert A. Mogol na ang proactive prevention at mitigation efforts ay dapat na magkatuwang na ipatupad ng lahat ng mga concerned stakeholder lalo na sa lokal na antas. Binigyan-diin ang lokal na suporta ay kinakailangan sa pagtuturo at pagbibigaykapangyarihan sa mga komunidad laban sa mga sunog lalo na at ang mga insidente ng mga forest fire ay nagsimulang tumaas mula pa noong nakaraang buwan. Tandaan na parating pa lang ang panahon ng tag-init kung saan mas lalo pang mararanasan ang matinding init dulot ng El Nino. Napakahalaga ng mga lupain sa kagubatan hindi lamang para sa atin sa ngayon kundi pati na rin sa mga susunod na mga henerasyon.

Maganda at nabanggit na dapat magkaroon ng tamang assessment, monitoring, at inspection sa lahat ng kagubatan na nasa panganib ng gawang-tao o natural na mga sanhi ng sunog, at siguruhin ang aplikasyon ng mitigation at prevention interventions na kailangang makiisa ang lahat ng member-agencies ng CRDRRMC sa probinsiya, munisipiyo at lungsod na lubos na ipatupad ang mga forest fire management measures. Mabuti rin at muling ipinaala ang mahigpit na pagpapatupad ng Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000 lalo na ang pagbabawal sa bukas na pagsusunog ng basura at ang paglalagay ng mga fire breaks, fire lanes at iba pang katulad na istruktura upang maiwasan ang mabilis na pagkalat ng sunog.

Dapat ding magkaroon ng mahigpit na koordinasyon sa mga local counterparts ng regional line agencies gaya ng Bureau of Fire Protection at ng Department of Environment and Natural Resources na may pinalakas na kahandaan sa pagresponde laban sa mga forest fire, gaya ng capacity building, human resource complement rersponse asset build-up, strategic prepositioning, interagency o inter organizational collaborations, at pakikilahok at kooperasyon ng publiko, at pagpapatupad ng lahat ng aplikableng mga batas at polisiya sa forest fire management protection and preservation. Sa forest fire incident report ng DENR ay mayroong 680.07 ektarya ng apektado kasama ang 65.35 ektarya ng plantation forests sa iba’t-ibang lugar sa Cordillera para sa buwan ng Enero lamang.

Ang probinsiya ng Benguet ang may pinakamaraming bilang ng mga insidente ng sunog na may 623.73 ektaryang apektado, sumunod ang Abra na may 49.44 ektarya, at Mountain Province na may 6.9 ektaryang apektado. Higit sana sa panawagan ng pakikiisa at koordinasyon ay napapanahon na sigurong muling tingnan ang namamatay ng propesyon ng forestry dahil mangilan-ngilan na lang ang pumapasok sa larangang ito dahil sa napakababang sahod, kawalan ng proteksiyon (dahil mapanganib na trabaho), mahinang mga benepisyo at iba pang pangangailangan ng isang “forester”.

Sa natitirang higit 44% ng kagubatan sa Pilipinas o 7,014,152 ektarya ay tunay ngang mahirap at mapanganib na bantayan ito. Kapag maipapangako ng gobyerno na maitaas ang sahod ng mga forester gayundin masiguro ang kanilang proteksiyon, magkaroon ng support systems, mabigyan ng insurance, itaguyod ang isang kahulugan ng layunin at pangako ay maitataas ang kamalayan ng publiko sa kahalagahan ng forestry ay may pag-asang maisasalba pa at mabantayan ang natitirang kagubatan ng bansa lalo na sa gitna ng matinding epekto ng pagbabago ng klima.

Amianan Balita Ngayon