Patayan, libangan o negosyo?

Nakakabahala na, ayon sa nakararami ang mga pagpatay na naganap sa nakalipas na mga araw. Ang pinakahuli nga ay ang alkalde ng Gen. Tinio, Nueva Ecija (Mayor Bote) kasunod ng pagpatay kay Tanauan, Batangas Mayor Halili. Habang sinusulat ang espasyong ito, wala pang malinaw na mga motibo sa krimen ganun din kung sino ang nasa likod nito. Pero, ayon sa mga analyst posibleng gustong sirain ang imahe ni Pangulong Duterte sa pamamagitan ng mga pagpatay na ito. Atin ngang saliksikin.

******

Sa record ng PNP, sapul nang maupong pangulo si Pres. Duterte, meron ng sampung alkalde ng bansa ang napatay. Pangsampu nga si Mayor Bote. Apat daw, ayon sa PNP ang sangkot diumano sa droga. Maalaala na bago pinatay si Mayor Halili ng Batangas, ito ay tinanggal sa poder ng PNP dahil kasama siya sa Narco list na hawak ng otoridad at ni Digong. Pinabulaanan naman ito ng biktima at ng pamilya. Ngunit ilang araw pagkatapos patayin, naglabas ang PNP ng ulat na malawak diumao ang lugar kung saan kumikilos ang galamay ng alkalde hinggil sa illegal na droga. Sa kabilang dako, ayon pa rin sa kapulisan, ay walang pagkadawit sa illegal na droga si Mayor Bote ng Nueva Ecija. Bakit ito pinatay? Iba’t ibang anggulo ang hinahalukay ngayon ng mga otoridad upang  lutasin ang mga huling pagpatay. Sinasabi nila na meron na raw person of interest silang nasilip sa Halili killing.

******

Sa mga pagpatay na naganap hindi lang sa mga punong-bayan kundi sa mga barangay official, mga abogado, mga kilalang tao at mga pari, ano ba ang dahilan? Tiyak, iba’t ibang kadahilanan, di ba pards? Hindi naaalis dito ang alitan ng angkan at mga kakilala kung saan nagkakaroon ng threat o banta sa buhay.  Maaari din daw, sabi ng mga legal luminaries na naplano ang pagpatay upang hindi matukoy ang pumatay o ang nag-utos. At kung sakaling ang mga suspect ay nautusan, merong mabigat na rason o motibo ang mastermind. Pero bakit? Maaaring dahil sa trabaho, negosyo, pulitika at mga personal na dahilan. Kaya lang, mas malapit yatang ihanay sa mga rasones ang katagang – negosyo dahil may kumita at maaari ding libangan ng mga taong gustong manggulo sa ating lipunan at siyempre, mga taong gustong sirain ang imahe ng kasalukuyang administrasyon o ang pangulo. Kung pulitika naman ang sangkalan, maaaring may taong may plano sa pulitika kaya gusto niya ang short-cut upang mawala sa kanyang landas ang mga sagabal.

******

Dahil sa mga krimeng naganap, samu’t-sari na ulit ang mga naglabasang reaksiyon ng mamamayan. Baka raw gustong walisin ang mga taong nasa Narco list sa ganitong paraan. Itinanggi naman ito ng mga otoridad at concerned agencies. Kinondena na ito ng Malakanyang at nag-utos para sa mabilis na pagkalutas ng pangyayari. Maalaala na ayon sa PNP reports may isang-daan pang mga alkalde ang nasa Narco List. Tiyak nangangamba na ang mga ito dahil sa nangyari kina Bote at Halili. Kung totoo na sila’y sangkot sa illegal na droga, maaari silang walisin ng mga nasira nilang pamilya, puwede rin mula sa kanilang grupo at gusto na siyang patahimikin at maaari ding mula sa mga operasyon ng mga otoridad laban sa droga. Pero sa panig ng mga tumatangging hindi sila dawit sa droga pero nasa Narco List, papaano na ang kanilang seguridad? Marami na ang komokondena sa mga pagpatay na nagaganap sa bansa. Kaya mainit ang TANONG – SINO KAYA ANG SUSUNOD NA ITUTUMBA?  Adios mi amor, ciao mabalos.

Amianan Balita Ngayon