Practice sportsmanship: payo ni Briones sa CARAA athletes

LUNA, Apayao – Hinimok ni Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones ang mga estudyanteng atleta sa Cordillera na maglaro na may “katapatan, katapangan at may dignidad” sa pagbubukas ng Cordillera Administrative Region Athletic Association (CARAA) meet noong Miyerkoles.

“Its not just winning, although that is our goal, to win in your events, but beyond that, it is how you played the game and the lessons you learned in the process,” pahayag ni Briones sa mahigit
7,000 athletes at coaches mula sa anim na probinsiya at dalawang lungsod sa rehiyon.

Sa temang “One Team, One Vision”, ang taunang paligsahan sa sports ay nagtatampok sa kagalingan sa palakasan ng mga mag-aaral sa elementarya at high school at ang mga katutubong sports development ng rehiyon mula sa Abra, Benguet, Ifugao, Mountain Province, Kalinga, Baguio City, Tabuk City at ang host province, Apayao.

Sinabi ni Briones na ang mga aral mula sa nasabing aktibidad ay mahalaga at magbubuklod sa kanila bilang isang rehiyon na kakatawan sa Palarong Pambansa.

Maliban sa personal development, ang CARAA ay isang mahalagang paraan din para mapag-aralan ang sports curriculum at grassroots development ng DepEd kung saan ang mga nagwagi at mahusay na naglaro ay uusad na kinatawan ng bansa bilang mga miyembro ng Philippine Team.

(ABN/PNA)

Amianan Balita Ngayon