KAKAIBA ang sigla ng bumabangong turismo sa atin. Kabi-kabila ang mga nangyayari, mga
programang tuloy-tuloy na ipinatutupad, upang maisabalikat ang pag-ahon ng ekonomiyang halos tatlong taon ding ibinaon ng pandemyang hanggang ngayon ay nananalasa. Nitong nagdaang lingo,
nagkapit-kamay ang Baguio Tourism Council at ang punong tanggapan ng kagawaran ng turismo regional office upang bigyang daan ang pakikiisa sa isinagawang Suroy-Suroy Festival sa Cebu. Kasama ang ating lungsod na nakisaya sa pagdiriwang at maging saksi sa isinagawang selebrasyon.
Bilang kasunduan, magpapadala naman ang Cebu Tourism Commission ng kanyang delegasyon sa mga susunod na buwan upang kanila namang masaksihan at makaisa ang ating pamunuan ng turismo sa ating mga natatanging selebrasyon. Matunog na sa Nobyembre, sa taunang pagpapaganap ng Ibagiw Festival, ay pagkakataon naman ng lungsod na ipamalas kung paano naman natin binibigyang buhay sa pag-angat ng turismo.
Magandang signos ang palitan ng tourism visits sa panig ng Baguio at Cebu. Matatandaang nitong
Disyembre 2022, binuksan ang byaheng paglipad ng Philippine Airlines, point to point, sa dalawang lugar. Sa loob ng isang araw, mag-almusal sa Cebu, mananghalian sa Baguio. Nabuksan nga ang pintuan ng pagkakataon upang bigyang daan sa ere ang relasyon sa turismo sa pinakapaboritong destinasyon sa buong kapuluan. Para sa Baguio, nabigyan ng pag-asa ang ating
mga kababayan upang muling malasap ang bilis ng byaheng marating ang isang lugar sa katimogan.
Ngayong linggo naman, nailatag na ang isa pang kinagigiliwang programa, ang Mangan Taku, upang palaganapin ang tinatawag na Gastronomy Tourism, isang aspeto ng taunang pasinaya
pang-kabusugan. Meron pang food crawl na gaganapin sa mga kainang masiglang naging kabalikat upang bigyang pagkakataon ang lahat para sa mga matingkad na culinary delights na pang-gayuma sa mga mahilig kumain ng mga kakaibang putahe. Ang larangan naman ng paglikha ay magkakaroon ng malawakang talakayan sa darating na Martes. Ang Creative Baguio City Council ay
magsasagawa ng kanilang taunang Membership Assembly upang magbigay direksyon sa mga susunod na apat na taon.
Ang lahat ng mga taga-likha — artists, artisans, creative workers and leaders, at advocates na maituturing — ay inaasahang bigyan pa ng karagdagang lakas at enerhiya ang mga negosyong
nakasandal sa mga likhang-isip at likhang kamay. Mula sa matagumpay na Montanosa Film Festival na idinaos ng mga pinalawak na programa, umuusad ang creative community tungo sa higit na paglikha ng mga gawaing nakasandal sa plataporma ng kultura at larangan ng sining.
Sa mga nagaganap na mg programa, sa panahong atin pa ring nilalabanan ang pandemyang hindi pa ganap na nasusupil, ngayong ang panahon ng panawagan. Halina, tara na, sakay na at ating sama-samang pag-isahin ang paningin at pananaw sa mga masiglang pagdiriwang ng turismong minsan ay tinapay at mantika ng ating kabuhayan. AngatTayoBaguio, dyan tayo may progreso!
April 22, 2023
October 5, 2024
October 5, 2024
October 5, 2024
October 5, 2024
September 29, 2024