Pulis nabaril ang sariling hita

Nabaril ng pulis ang sariling hita bandang 9:30pm ng Hulyo 16, 2018 sa kahabaan ng Quirino Highway partikular sa Purok 24-B, San Carlos Heights, Irisan, Baguio City.
Sa natanggap na ulat ng Station 9 ng Baguio City Police Office (BCPO), bandang 10:20pm ng parehong araw ay napag-alaman na matapos ang official tour of duty ni PO3 Dun Tudlong Kalang-ad, 34, miyembro ng PNP na nakatalaga sa Station 7 ng BCPO ay sumakay ito ng taxi na may plakang AYV 492 at minamaneho ni Amado Santos Sese Jr., 63, driver at operator at residente ng Pacdal, Baguio City.
Habang nasa daan, hinahanap diumano ni Kalang-ad ang kaniyang wallet sa loob ng kaniyang tactical bag upang ipambayad sa taxi nang aksidente nitong nakalabit ang kaniyang issued Glock 17 pistol na nakatago sa loob ng parehong bag.
Tinamaan ang kaniyang hita kung kaya dinala siya sa Baguio General Hospital-Medical Center para malunasan. Sumailalim sa medical operation si Kalang-ad dahil sa natamong sugat samantalang ang kaniyang armas ay dinala sa Station 9 para sa tamang disposisyon.

Amianan Balita Ngayon