Sagutan, nauwi sa pananaksak

Nauwi sa pananaksak ang panggugulpi ng grupo ng isang lalaki sa nakainitang lalaki sa harap ng isang tindahan sa Kalinga.
Rumesponde ang mga tauhan ng Tabuk CPS, Kalinga PPO sa isang ulat ng pananaksak bandang 10:30pm ng November 13, sa intersection ng Roxas and Enriquez Streets, Dagupan Centro, Tabuk City, Kalinga.
Ayon sa ulat, ang biktimang si Tristan Merin Bariwan, nasa legal age, single at residente ng Callaccad, Tabuk City, Kalinga ay dinala sa St. Luke Hospital, Dagupan, Tabuk City, Kalinga at inilipat agad sa Cagayan Valley Medical Center in Tuguegarao City, Cagayan. Nagtamo ang biktima ng saksak sa kaniyang kanang leeg at kaliwang braso.
Naaresto rin ang suspek na kinilalang si Vicente Gacuya Jr., 46, married, residente rin ng nasabing lugar.
Sa inisyal na imbestigasyon, ang grupo ng biktima ay nasa harap ng isang tindahan nang biglang dumating ang suspek at nagkaroon sila ng sagutan na nauwi sa awayan. Ang biktima at ang kaniyang grupo ay pinagtulungan ang suspek na agad ding nakatakas sa gulo ngunit bumalik itong dala ang isang kutsilyo at sinaksak ng dalawang beses ang biktima, agad ding nagtago ang suspek sa kaniyang tahanan kung saan siya naaresto.
Ang suspek ay nasa kustodiya ng Tabuk CPS habang inihahanda ang kaso laban dito.

Amianan Balita Ngayon