SAHOD O TRABAHO

Alin sa dalawang ito ang matimbang – SAHOD O TRABAHO? Sa panahong ito…walang pinagiba ang timbangan sa kung alin ang iyong pipiliin: sibuyas na puti o pula? Tiyak ang sagot ng mga mahilig sa lutuan: depende sa luto. Pero sa mga praktikal na nagluluto: kahit alin sa dalawa, basta sibuyas, ayos
na. At kung sa sahod ba o trabaho ang mas matimbang? Kakaliskisan natin ito, pards: Kung sa mas praktikal na panimbang ang usapan…hanggang sa ngayon, palaisipan pa rin ito: alin ang nauna, itlog o manok? Wala daw itlog kung walang manok.

Wala ding manok kung walang itlog. Ganyan ang tunay na pilosopia at katuturan ng buhay, pards. Masalimuot at matalinghaga. At sa isyu ng patrabaho’t sahod…maraming bansa na ang nakahanap ng
legal at napapanahong kasagutan sa problemang ito. May mga bansa na kapag nagtaas sila ng sahod ng mga manggagawa, wala munang taas-presyo ng bilihin. Sa ikalawang pagtataas ng sahod, saka pa lang pwedeng magtaas ng presyo ng bilihin. Ayos ang timbangan. Pero, teka lang pards….di ba kahit mataas ang pasahod, kung wala ka namang trabaho, para ano ang mababang presyo ng bilihin?

Ayon sa mga pagaaral nga mga eksperto….unahin muna ang pa-empleo o trabaho. Magkakalaman ang tiyan ang tao kung may trabaho. Sabi nga nila: di baleng mababa ang sahod basta’t may kitang pambili, ayos na. Que sa mataas nga ang pasahod kung wala ka namang trabaho, gutom din. Sa panig ng mga manggagawa at mga may negosyo: mas makatutuhanan at praktikal na unahin munang tutukan ng
gobyerno ang problema sa patrabaho at isunod na lang ang pasahod. Daplis naman ng mga mas praktikal ang utak: mas maigi raw kung pagsabayin na lang ang solusyon sa dalawang problemang ito.

Kamakailan lang, tambak na naman ang bilang ng mga pumasa sa eksaminasyon ng nursing. Dagdag na naman ito sa bilang ng mga maghahanap ng empleo. Kung sahod ang pagbabasehan, maaring kakaunti ang magkakaroon ng trabaho. Gusto kasi ng iba, makabawi sa kanilang nagastos sa pag-aaral. Meron ding praktikal at simple ang puhunan: trabaho muna saka na pag-usapan ang sweldo. Ang masakit, marami sa mga nagtapos sa pag-aaral at nagkaroon ng lisensiya nguni’t di naman nila magamit ang
pinag-aralan sa napasukang trabaho. Ito naman ang siste ng mga may negosyo: ang kinukuhang bagong trabahador o empleado ay yong “may eksperiyensiya na.”

Papano na ang mga nagtapos sa pag-aaral na ngayon pa lang maghahanap ng mapapasukan? Kaya marami sa kanila ang kakagat na sa patalim basta’t may pagkakakitaan. Amuki nga ni Pres. Bongbong Marcos Jr. kamakailan sa mga OFWs na pumasok sa pagnenegosyo upang magamit ang kanilang naipong pera nang may kapararakan. Ang ibig sabihin…tutok ang pamahalaan upang tulungan ang ating mga kababayan na bumangon kahit paunti-unti basta’t legal.

Sabagay, marami sa mga mayayaman at naging matagumpay na mga negosyante ang nagsimula sa
maliit na puhunan. Sabi nga nila, hindi mabubuo ang piso kung kulang ng sentimo. Ika nga nila: gamitin ang lakas at talino upang umukit ng pundasyon ang iyong sariling pag-unlad hindi ang naghihintay na lang ng ayuda ng pamahalaan. Sabi din ng ilang mambabatas: sipag at talino ang gamitin sa pag-usad. Sa mas makabuluhang kaunlaran ang kasabihan: “nasa Diyos ang awa…nasa tao ang gawa”. Magbanat ng katawan. Adios mi amor, ciao, mabalos.

Amianan Balita Ngayon