SONA ni Digong, bitin daw?

Natapos din ang kontrobersiyang SONA ni Pres. Duterte. Pero talagang super-kontrobersiya, sabi ng maraming analysts. Paano kasi itinaon pang nagkagulo ang mga taga-Kamara dahil sa kanilang liderato o speaker.  Kaya napatungan ang nilaman daw ng SONA. Tuloy, sabi ng ilan: bitin. Yan ang ating kakaliskisan mga pards. Sundan:

**********

Simulan natin ang upak sa isyu ng oras ng SONA. Dapat kasi ay alas kuwatro ang simula. Pero nagsimula ito ng 5:21pm, higit sa isang oras ang delay.  Siyempre, marami ang nainip, nainis, nabanas, nasuspense, naghintay, nagwalk-out at etseterang senaryo. Malaking bakit ang gumulantang sa buong bayan. Hindi basta-basta madedelay ang SONA dahil nakatakda ang kanyang oras lalo pa’t pinangalandakan na ito ay hanggang 35-minutes lang. Inabot naman sa 48-minutes ang buod ng SONA ng pangulo sa likod at kasabay ng mga kontrobersiya sa pagitan nina Speaker Alvarez at dating pangulo at Representante ng Pampanga na si GMA. At marahil dala ng inip at inis ng nakararami, hindi na inintindi ang laman ng mga mensahe ng pangulo. In short, sabi nila: Bitin! Papaano raw naging bitin?

**********

Sa panig ng mga kontra-Duterte, marami raw butal o kakulangan ang SONA. Hindi raw malinaw ang isyu sa West Phil. Sea. Para daw tameme tayo sa gusto ng Tsina kaya tuloy daw ang kanilang mga ginagawang pagsalaula sa ating mga teritoryo. Upak naman ni DFA Sec. Allan Cayetano: tama lang na makipagmabutihan kaysa giyera o makipagmatigasan. Sa usapang langis sa mga sinaklaw na teritoryo, dapat magkaroon ng joint venture, ika niya upang dagdag kita ang bansa na maaari ding mangyari sa pagitan ng Pilipinas, Vietnam o Malaysia na mga may kaparehas na territorial claims. Dagdag pa ng mga kontra-Digong: bitin ang Sona dahil hindi raw naisama dito ang pagtataas ng suweldo ng mga manggagawa. Hindi raw sapat ang paliwanag hinggil sa ENDO o Kontraktualisasyon dahil parang ipinapasa raw ng pangulo ang bola sa Kongreso.  Sinundan ito ng ulat na susunod daw ang mga negosyante sa utos na gawing  permanente o regular ang kanilang empleyados. Kulang din daw ang mensahe hinggil sa kapakanan ng OFWs, mga mahihirap na walang matirhan, pag-angat ng kabuhayan ng mga nagdarahop o ekonomiya. Inupakan din ng mga militante ang bunga ng Train o ang Tax Reform Acceleration and Inclusion Law lalo pa’t may plano pang isunod ang TRAIN 2. Habang sinusulat ang espasyong ito, wala pang senador ang kahit na mula sa mayorya at minorya ang nagpanukalang talakayin ito.  Bagama’t maraming sinabi ang pangulo na ikinagaganda ng Train 1 para sa mga proyekto  o programa ng gobyerno, mas malakas naman ang sigaw ng pagtutol at sinasabing palpak daw ito at lalong nagpapahirap sa bayan lalo na ang mga mahihirap.

**********

Sa kabila ng mga isyu ng bitin, marami rin ang nagsabing tama lang o sapat ang laman ng SONA. Lalo na sa panibagong banat ni Digong kontra illegal na droga.  Alaala pa ng marami na winika ng pangulo na ang giyera kontra droga ay magiging “Relentless at Chilling Operations”. Ibig sabihin, lalo pang paiigtingin ng mga otoridad ang kampanya laban sa droga. Saludo rin ang marami sa pagtitimping ipinakita ng pangulo nang hindi binanggit ang hinggil sa nangyari sa liderato ng Kamara bago ang SONA. Hindi rin siya nagmura, ika nila, bagay na kakaiba para sa mga naghihintay ng ganyang eksena. At sa kabuoan, ayon sa nakararami, naging matagumpay at tahimik ang kaganapan sa araw ng SONA.  Tsk tsk, bantayan na lang natin ang mga kaganapan mula ngayon hanggang sa susunod na SONA upang maging kaisa tayo para sa tamang landas na ating tatahakin sa kinabukasan.  Maging kritiko para sa pagbabago hindi sa pagbagsak.  Adios mi amor, ciao, mabalos!

Amianan Balita Ngayon