Suspension ng klase, marami ang nalilito

Tag-ulan at tag-bagyo na naman pero hanggang ngayon marami pa rin ang nalilito hinggil sa class suspension. Sino nga ba ang may karapatang magsuspinde? Mga mayor ba o ang DepEd? Kailan at papaano? Maraming sigalot ang ibinubunga ng kalituhan na kung minsan may nag-aaway na. Kaya dapat lang na ating uriratin ang napapanahong kontrobersiyang ito. Sumunod:

**********

Dati-rati mga magulang na ang nagsususpinde sa pagpasok sa klase ng kanilang mga anak. Ibinabase nila ito sa signal ng mga bagyo. Kung signal number 1 – sabi ng parents, mga nasa preparatory ay huwag nang pumasok. Pag signal 2 – elementarya; at signal 3 – mula high school hanggang kolehiyo.  Yan ang nakaugalian bagama’t sabi ng mga naturalista – depende rin sa mga magulang lalo kung sakitin ang anak at malayo ang pinapasukang paaralan. Ang malaking katanungan ay – eh kung walang signal ang Pagasa pero malakas ang ulan at may mga pagbaha, sino ang dapat magsuspinde ng klase?  Sabi ng mga praktikal na analista – dapat ang eskuwelahan na ang magtatakda ng suspension dahil sila ang nakakaalam kung apektado ang kanilang mga estudyante sa pagpasok sa eskuwela. Sabi naman ng iba kinakailangan na ang mga mayor ang magtatakda sa suspensiyon. Parang chopsuey hane? Magulo na parang pansit. Kaya linawin natin.

**********

Dati ang DepEd ang may karapatang magsuspinde ng klase kung masungit ang panahon ke may signal o wala.  Pero inilipat na ang responsibilidad sa mga mayor at sila na ang magpapasya. Na ang ibig sabihin, nawalan na ng kapangyarihan ang kagawaran sa pagsususpinde sa klase kapag may kalamidad gaya ng baha. Okey maayos na di ba?  Pero tanong: anong oras dapat magsuspinde? Ayon sa patakaran ng DILG – Department of Interior and Local Government – dapat maging maagap at hindi dapat tutulog-tulog ang mga mayor tuwing masama ang panahon. Kinakailangan, ayon sa DILG na magsuspinde ang mga mayor ng klase sa oras na alas kuwatroy medya ng madaling araw (4:30AM) para sa mga pang-umagang estudyante at alas onse ng umaga (11AM) para sa mga panghapon.  Papaano raw kung late ang mayor sa pagsuspinde ng klase lalo pa’t pumasok na ang mga estudyante? May pananagutan ang mga mayor sa puntong ito?  Ayon sa DILG, makakasuhan ang mga ito. Aba’y dapat lang mga pards. Dapat agahan ang suspensiyon upang hindi mapasubo ang mga batang papasok kahit basa sila ng ulan.  May mga pagsuspinde raw kasi na nasa eskuwelahan na ang mga bata bago isuspinde ang klase. Kawawa naman ang mga bata na mababasa at maaaring makakuha ng sakit. Yan nga ang dahilan kung bakit maraming magulang ang nakikipag-away na sa mga opisyal ng paaralan.  Ngayon at malinaw na ang kautusan ng DILG, ang mga mayor ang sisisihin at hindi ang paaralan. Puwede raw isuplong ang mayor sa tanggapan ng DILG upang maimbestigahan at maparusahan.

**********

Bakit kaya naisipan ng DILG ang ganitong sistema?  Iisa lang ang sagot pards.  Upang maging alerto ang mga punong ehekutibo sa kanilang nasasakupan sa tuwing may kalamidad, bagyo, baha, slides at kauring problema. Tsk tsk, tapos ang maliligayang araw ng mga tamad na ehekutibo.  Binabaha na ang kanyang bayan, di pa niya alam. Baka pangalan ng bagyo, di rin alam, he he. Hayy naku, buhay nga naman. Mga pards, tayo ring mga magulang ay maging alerto kapag masungit ang panahon.  Kapag tutulog-tulog ang ating mayor, tayo na ang gigising sa kanila upang gawin nila ang kanilang tungkulin sa bayan.  Adios mi amor, ciao, mabalos!

Amianan Balita Ngayon