TAKDANG ORAS SA PASADA NG JEEPNEY, IPRINISINTA SA KONSEHO

BAGUIO CITY

Inihain ng mga mambabatas ng Baguio City ang panukalang Ordinance No. 0012-24, na naglalayong baguhin ang mga probisyon ng Ordinansa 66-1995, na nagtatakda ng oras ng operasyon ng mga jeepney sa lungsod. Ayon sa panukalang batas, ang mga operator ng jeepney ay kinakailangang magbigay ng serbisyo hanggang 9:00 PM para sa mga pasahero. Ang panukala na inihain ni Vice Mayor Faustino Olowan, ay naglalayong mapanatili ang kaligtasan at kaginhawaan ng mga commuters sa oras ng gabi,.

Suportado naman ang batas na ito ng ilang mga stakeholders, kabilang ang Baguio PUV Transport Corporation. Ayon kay Tony, driver ng jeepney, susundin na lamang nila ang panukalang ito kapag ito ay final na. “Kapag iyan na ang utos mula sa itaas, kapag sinabing 9 o’clock sa lahat, iyon na ang susundin naming, hangga’t may pasahero ay mainam na pumasada pa sila.” Isang pasahero rin ang nagpahayag ng kaniyang opinyon “magiging convenient siya, especially sa mga students na late na nakakauwi at wala namang budget pangtaxi everyday”.

Inaasahang pag-uusapan pa ang detalye ng panukalang ordinansa sa mga susunod na pagpupulong ng Sangguniang
Panlungsod. Ang pagpapalawig sa oras ng pasada ng mga jeepney ay naglalayong masigurong magkaroon ng mas maraming transportasyon para sa publiko, na naglalayon na mapabuti ang buhay ng mga residente at bisita ng lungsod.

Irish Beatrix A. Montano/UBIntern

Amianan Balita Ngayon