Habang sinusulat ang espasyong ito, puspusan na ang mga paghahanda para sa paggunita ng Araw ng Kalayaan sa June 12, 2023. Ano nga ba ang ibig sabihin ng Kalayaan? Malaya ba tayo talaga? Ating talakayin mga pards: Mahirap tarukin ang tunay na katuturan ng “Kalayaan”. Pero una sa lahat, pasalamat tayo at sa literal na kahulugan ay nakamtan natin ang ating kalayaan mula sa mga sumakup sa ating munting isla. Salamat din sa mga sumakup dahil sa kanila, marami tayong natutunan.
Mga aral at pamamalakad sa buhay mula sa mga Espanyol, Amerikano, Hapones…naging pundasyon natin upang maging kaagapay sa ating kalayaang tinatama sa kasalukuyan. Pero marami pa ring eksperto ang nagsasabing kahit sa turing ay nakalaya nga tayo, pero may gapus pa rin ang ating mga kamay. Parang laging may dikta sa bawat kilos at desisyon. Tila nakasandal pa rin tayo sa mga balikat at nakagapus sa mga kuko ng mga nagpapautang sa atin.
Di naman tayo uusad kung di tayo uutang, di ba? Kaakbay naman natin ang mga mayayamang bansa sa linya ng teknolohiya, pa-empleo, seguridad, siyensiya at halos lahat ng kalakaran para sa ating pag-unlad. Ibig sabihin, sa tunay ng eksena, di tayo pupuwedeng magsarili dahil marami tayong kailangan mula sa kanila. Itong katatapos lamang na kauna-unahang “Tripartite Exercise” na ginawa sa West Phil. Sea ng tatlong Coast Guards – US, Japan at Phil. Coast Guard, napakalaking alalay sa ating seguridad lalo pa’t sunod-sunod na ang mga parang panliliit sa ating kakayanan sa depensa ng isang malaking bansang gustong sumakop sa ating teritoryo.
Sa pakikiisa ng coast guards ng US, Japan at pakikipagtulungan din ng Australia, South Korea at iba pang bansa…malinaw ang mensahe: pagtutulungan sa pag-unlad ng teknolohiya sa isyu ng seguridad, rescue operations at pagmamalasakitan at kahandaan sa ano mang kaganapan sa hinaharap. Ang eksenang ito ay simbolo ng pagtanggap sa katotohanang di tayo nag-iisa. Sila na dating nanakop sa atin (Amerika, Japan) at naging kaaway sa digmaan ay mga kabisig na natin sa pagtatanggol ng karapatan at teritoryo. Ibinigay man sa atin ang ating laya…andiyan pa rin silang umaalalay.
Salamat naman sa mga bansa sa Gitnang Silangan (Saudi, etc.) sa patuloy nilang pagtitiwala sa kakayanan ng ating lahi sa isyu ng patrabaho. Batid nila hanggang sa dulo ng UK at Europa ang kakayanan at sipag ni Pinoy. Pasalamat tayo sa ating pamahalaan dahil tayo’y binigyang-laya na hanapin ang ating kapalaran sa pag-unlad na hindi lang umaasa sa ayuda. Malaya tayong magsakripisyo kahit pa ibuwis ang sariling buhay…mapaunlad lang ang ating pamilya. Ito nga ang dahilan kung bakit inaamuki ng ating pamahalaan ang mga naghihirap nating kababayan, na sa halip na ayuda ang kanilang tanggapin, ay asistihan sla na makahanap ng trabaho o pagkakakitaan.
Ipinapakita sa puntong ito ang tunay na “kalayaan” na hanapin ang daan para sa ating sariling pag-unlad. Hindi tayo dapat nakagapus sa ayuda ng gobyerno. At upang maging matatag, pairalin din sana ng patas ang batas at legalida sa ano mang antas. Gaya ng pagkastigo sa mga gumagawa ng krimen upang maipakita na walang puwang sa lipunan ang mga pasaway, ating sipatin ang ating paligid at makikita mong sobra-sobra na tinatamasa nating “kalayaan” na dapat nating pangalagaan. Mabuhay ang Pilipinas. Adios mi amor, ciao, mabalos.
June 10, 2023
June 10, 2023
December 9, 2024
December 9, 2024
December 9, 2024
December 9, 2024
December 8, 2024
December 8, 2024