Zoning officer sa La Trinidad, inakusahan ng korupsiyon

LA TRINIDAD, BENGUET – Nahaharap sa kasong administratibo ang zoning officer ng bayang ito dahil sa diumano’y corrupt practices, ayon kay Councilor Nestor Fongwan Jr. noong Abril 3.
Aniya, nagpila siya ng kasong administratibo noong Abril 2 sa Civil Service Office Cordillera laban kay Engineer Emerson Tabernero, ang zoning administrator/enforcer ng bayang ito.
Inakusahan si Tabernero ng grave misconduct, dishonesty, conduct prejudicial to the best interest of the service at paglabag sa Section 4 at 7 ng Republic Act (RA) 6713, o kilala bilang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Nagpila si Fongwan, na board member ng Benguet at kumakatawan sa provincial league of councillors, ng kasong administratibo laban kay Tabernero base sa affidavit complaint na ginawa ni James Benos ng Barangay San Carlos, Baguio City at may-ari ng kapirasong lote sa Longlong, Puguis, La Trinidad, na nag-aplay ng excavation permit sa zoning office.
Sinabi ni Fongwan na si Tabernero diumano’y naging sanhi ng hindi nararapat na pagka-delay ng pagpo-proseso ng excavation permit na inaplayan ni Benos at humingi diumano ng P10,000 para sa pagproseso ng topographical profile sketch na nasabing lote. Sa kabila ng pagkompleto sa mga kinakailangang dokumento na kinakailangan sa permit na inaplayan at pagbayad ng hininging pera, “no topographical profile sketch nor permit was ever processed, shown nor issued,” ani Fongwan.
Sa affidavit ni Benos, nakasaad na “the inexcusable delay in the processing of the necessary documents for the permit caused both monetary loss and mental stress to me”.
Dagdag pa sa naunang ipinangako, lalong nagalit si Fongwan nang gamitin diumano ni Tabernero ang kaniyang pangalan bilang dahilan sa delay ng pagproseso ng nasabing permit.
“We already warned him as early as 2016 to stop his corrupt practices, but to no avail, naging worst pa,” ani Fongwan.
“With the filing of the administrative case, I believe that other victims will come out and tell their bad experience,” dagdag niya.
Sa parte ni Mayor Romeo Salda, hinimok niya ang lahat ng taong diumano’y naging biktima ni Tabernero na lumantad at magpila ng reklamo gaya ng pangako niya na ang lahat ng empleyado ay bibigyan ng due process. ABN

Amianan Balita Ngayon