2 dating sumuko sa droga timbog sa Kalinga

CAMP DANGWA, Benguet – Matapos boluntaryong sumuko sa mga awtoridad tatlong taon na ang nakakaraan, dalawang dating drug surrenderers ang inaresto sa ginawang raid ng police sa isang bahay sa Tabuk City, Kalinga.
Sinabi ng police na ang mga suspek na sina Real Gold Olsim, 30 anyos, at Celso Bayongawan Capuyan, 24, ay hinuli matapos ihain ang search warrant sa bahay ni Olsim sa Barangay Bulanao, Tabuk City noong Enero 21. Nagpositibo din ang dalawa sa iligal na droga.
Sa isinagawang operasyon ay naabutan ng police raiding team si Capuyan na umano’y bumibili ng “shabu” o methamphetamine hydrochloride.
Sa kabuuan ay 16 na maliit na sachet ng shabu at 9 mm pistol na may magazine at bala ang nakumpiska sa ginawang operasyon.
Sinabi ni Chief Inspector Sahibon Mamantal, Tabuk City deputy chief of police for administration, na ang dalawang suspek ay itinutuiring na high-value targets (VT) base sa batayan na inilabas ng Philippine National Police.
“A former drug surrenderer who returns to the same (illegal) activity when caught is classified as a high value target,” aniya sa isang panayam sa telepono noong Enero 23.
Sinabi ni Mamantal na si Olsim ay sumuko sa Tabuk City police office sa kasagsagan ng Oplan Double Barrel habang si Capuyan ay sumuko sa Rizal, Kalinga.
Ayon pa sa kaniya, ang mga sumuko ay kinakailangang sumailalim sa isang drug rehabilitation program, maging sa ilalim ng community-based program ng lokal na gobyerno o ng police, at ng isang accredited private institution.
Ang mga hindi nakasunod sa rehabilitasyon ay sinusubaybayan, ani Mamantal.
Sa isang press release noong Enero 22 ay sinabi ni Chief Supt. Rolando Nana, Police Regional Office -Cordillera director, na isang on-site inventory ang ginawa sa harapan ng mga kinatawan mula sa media, Department of Justice, barangay officials at mga suspek.
Kakasuhan ng police ang dalawa ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Law of 2002 at ng Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.
LAgoot, JMaguiya/ PMCJ/ABN

Amianan Balita Ngayon