Kontraktor nais ipa-blacklist ng Ilocos Norte SP

LUNGSOD NG LAOAG – Inirekomenda ang kontraktor ng diumano’y substandard flood control project sa Laoag river basin tributary sa Barangay San Mateo ng lungsod na ito na ma-blacklist.
Ito ay sa pamamagitan ng Provincial Resolution No. 2019-01-313 na lubos na nagkakaisang ipinasa ng Sangguniang Panlalawigan ng Ilocos Norte noong Enero 21. Sinabi ni Board Member Vicentito Lazo na sa inspeksiyon sa proyekto ay lumabas na hindi lubos na sumunod ang kontraktor sa polisiya ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na “tanggalin at palitan” ang nasirang bahagi ng halos P10 milyon na Laoag flood control project.
Ang flood control project ay ginawa mula Pebrero 12 hanggang Hulyo 11 ng nakaraang taon ng Katha Builders and Supplies na nakabase sa Bulacan.
Sinabi ni Lazo na isang lokal na kontraktor ang nag-implementa ng proyekto sa ngalan ng Katha Builders.
“Subcontracting is illegal but that has been the practice, particularly in the 1st Engineering District of Ilocos Norte,” ani Lazo sa deliberasyon ng resolusyon, at sinabing may mga ulat na nakarating sa kaniyang opisina na ilang 1st District engineers ay mga kontraktor din.
“If it’s true, then we need not wait anymore,” ani Lazo na hinihiling kay Public Works Secretary Mark Villar na i-blacklist ang Katha Builders.
Sa ocular inspection sa project site noong nakaraang linggo ay nakita na ang nasirang proyekto ay naayos na ng kontraktor.
Pinabulaanan ng Ilocos Norte 1st Engineering District na nangasiwa sa proyekto ang mga alegasyon na ang mga ginamit sa paggawa ng multi-million flood control project sa Laoag river basin tributary na sumasakop sa mga barangay na Bacsil, Lataag at San Mateo ay substandard.
“It is not totally substandard but there are some points which are not perfectly done, causing it to collapse,” ani Robert Rabago, head ng Maintenance Division ng engineering district sa isang panayam sa telepono.
Ipinaliwanag ni Rabago na isang lumang dam ay dating kumukolekta ng tubig-baha sa lugar at nagpapatubig sa mga bukirin ng Laoag.
“A soil exploration was conducted prior to the construction of the project but somehow, the foundation is above the debris or fragments scattered around and it may have been disturbed by then prolonged monsoon rains,” dagdag niya.
Galing ang pondo sa proyekto sa ilalim ng General Appropriations Act 2018.
LAdriano, PNA/PMCJ/ABN

Amianan Balita Ngayon