Apat katao huli sa gun ban

LA TRINIDAD, Benguet – Sa pinaigting na kampanya ng kapulisan para sa katahimikan sa panahon ng lokal at nasyunal na halalan, apat na katao ang agad nakasuhan sa paglabag sa Comelec gun ban mula sa lalawigan Kalinga at Abra.
Ayon kay Chief Supt. Rolando Nana, regional director, matapos ang kanilang isinagawang peace covenant signing sa mga lalawigan sa rehiyon ay agad na ipinatupad ang Comelec checkpoints noong hatinggabi ng Enero 13 ay dalawang katao ang nasakote sa Tabuk City, Kalinga.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Comelec gun ban ang nadakip na sina Feliciano Ladiong at Nicanor Tagatag, matapos mahulihan ng caliber.45 at cal.380 at mga bala nito na walang kaukulang permit.
Sa Abra, nahuli din sa Police-Comelec checkpoint si Mark John Biccay sa may Tangadan, San Quintin, Abra noong hapon ng Enero 14, habang nakasukbit ang isang cal.38 at bala nito, na walang kaukulang permit.
Sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya noong Enero 15 laban kay Raffy Reballos, 32, sa may Zone 5, Bangued, Abra ay nakuha sa kanya ang isang bala ng cal.9mm isang heat-sealed sachet na naglalaman ng pinaniniwalaang shabu.
Agad na binati ni Nana ang kanyang mga operatiba sa matagumpay na pagpapatupad ng gun ban at magpapatuloy ang mga police checkpoint para matiyak ang seguridad ng publiko tungo sa tahimik at mapayapang nalalapit na eleksyon sa rehiyon.
ZALDY COMANDA/ABN

Amianan Balita Ngayon