ARAW AT ULAN

KUNG naging mapaminsala ang mga buwang nagdaan, tila kakaiba ang ngayon ay dumaraang buwan ng Oktubre: mahinahong panahon, walang gaanong ngitngit dala ng mga bagyong bumayo sa atin mula Hulyo hanggang gitnang Setyembre. Hindi naman dapat kagulatan na ang panahon ay
naging maamong tupa. Hindi tulad nang gulantangin tayo ni Egay at Falcon sa isang hindi matatawarang pamiminsala.

Hindi biro na 25 probinsya at mga kalunsuran, kasama ang Baguio, ang nahagupit ng sama ng panahon. Marami sa atin ang hindi makapaniwalang ganoon ang bagsik ng dalawang bagyo. Tinuklapan ang bubong ng mga tahanang na parang akordyon. Binaha ng lampas tao ang mga
palayan sa kalupaan. At syempre, maging kalsadang daanan ng mga sasakyan. Sinira ang mga produktong agricultura na naghihintay lamang maani at mapakinabangan Lubhang malalim ang
sugat na iniwan ng nagalburotong klima sa atin, kasing bagsik ng nag-Ingay na Mayon sa kabikulan at maging ng Taal sa Batangas.

Matatandaang malimit nating sinisisi ang Inang Kalikasan. Na meron din syang pwersang ibalik sa sambayanan ang inihasik na bangis. Resbak ang tawag ng mga tambay sa lansangan. Resbak ng nagaalimpuyong galit ng kalikasang ilang siglo ding inalipusta ng sambayanan. Ngunit, hindi dapat
pangilagan ang resbak ng kapaligiran. Climate change ang bansag kapag dumaranas tayo ng kakaibang hagupit hindi kailanman ating nararanasan.

Ang mahalaga, atin ng napagwawari kung paano balangkasin ang tamang pamamaraan sa panahong ma-delubyo na ang pwersang inihahampas sa atin. Tamang paghahanda ang bansag sa ating tugon dahil sa nagbabagong panahon. Hindi dapat na panalangin lamang iasa ang kaligtasan ninoman. Huwag ng ipagkibit ang pagnanasa na palayain ang bagong pag-asa. para sa lahat.
Ngayong nakadilat na ang darating na Disyembre, sana naman ay maging makabuluhan ang mga paghahanda upang hindi gaanong pinsala ang maidulot para sa buhay at kabuhayan.

Diyan naman tayo nabubuhay sa pag-asang bubuti ang lahat-lahat. Ika nga, nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa. Mapagkikitaan. Mapagbubuhayan. Mapaglalambingan Kaya naman, atin paring
yakapin ang bagong buwan. Ulanin natin sya ng walang puknat. Pasilipin ang Haring Araw kahit na gabundok na ang tumatakip na kaulapan. Lumaya naman sana tayo sa mapaminsalang Ibinuhos
nitong nagdaang mga araw at buwan ng pagbabagyo.

Isantabi na ang naging mapamuksa panahon ng pananalasa. Ang walang puknat na dilubyong hangin at ulan na naghasik ng ibayong hirap. Ang pinsala ay matindi at malawak. Tinatayang
malubha ang epekto sa ekonomiyang nagkaroon na ng pwersang makabangon. Ngayon hanggang Disyembre, matuto na tayong harapin ang hampas ng panahong binabago ng kalikasan. Kaya naman, dalangin ng lahat na maging kakaiba ang darating na mga linggo, kahit na patuloy ang babala ng mga darating pang sama ng panahon.

Manaig sana ang luwalhati ng pagmamahalan upang maging usbong ng panibagong pag-ahon. Pagbangon mula sa mga bagyong dulot ng ulan, at maging sa inaasahang init na dala ng Haring Araw. Pagmamahal hindi lamang sa isa’t isa. Hindi lamang sa mga mahal sa buhay. Pati na rin ang
mga minsan ay minahal – mga kaibigan, mga kaibig-kaibigan. At maging ang mga itinuturing na balat-kaibigan. Isama na rin ang mga nakaligtaang minsan ay naging malapit sa puso.

Mga taong minsan ay kabungguang dila. Kaisang balikat. Ngunit ngayon ay nabubuhay na lamang sa mga alaalang pilit pa ring binubuhay sa gunita. Sila man ay wala na sa ating paligid, hindi maitatatwa na minsan naging bahagi ng mundong ginagalawaan. Isang mundong minsan ay naging
saklaw ng nag-iisang damdamin. Ng pinag-samang pagsinta. Pag-asa ang natatanging lakas na nagbibigkis sa nakaraan at kasalukuyan. Anuman ang panahon, gaano man ang hagupit ng
pagkakataon, pag-asa pa rin ang siyang mag-aangat sa atin. Gagabay sa muling paglalakbay.

Papatnubay sa ating tatahaking landas. Ilaw na magbibigat ng tanglaw at liwanag sa ating lalakarang lansangan. Ang malimit na ating maririnig, nasa pag-asa ang ating sasandalan ng lakas,
isang sandigan ng mga pangarap upang mabigyan ng sapat na pundasyon ang muli at muling pagbangon. Hindi dapat maliitin: ang kadiliman ng dumaraang gabi ay naghahasik ng liwansg,
mistulang isang libo’t isang bituing gaano man ang layo sa paningin ay nagbibigay ningning.

Isang pagpapahalagang pagsalubong sa mga susunod na buwan pati go sa Kapaskuhan. Disyembre sa Oktubre – hindi iniiwasan, bagkus ay inaasam. Diyan tayo aahon, babangon, at aangat pa.
Anuman ang sungit ng panahon. Anuman ang hampas ng pagkakataon. Anuman, sinoman ay buong kakayahang ibubuhos sa sama-samang pagbubuklod. Isang kabuuoan mula sa mga bahaging minsan ay pira-piraso.

Amianan Balita Ngayon