Bagong Pagbangon

Opinion

KAHAPON LAMANG, inulit ng mga nakaaalam ang halos ay isang buwan ng babala para sa madla. Teka, teka, huwag maging kampante, at tingnan natin ang paligid, ng kahit lampas sa abot ng tingin. Kumpirmado na, ayon sa WHO sa Asya at Pasifico: may bagong silang na variant, na noon pa man ay binabantayan ng buong matang-dilat, at isipang bukas.

Pinaghalong Omicron at Delta, na ngayon pa lang ay binansagang X3 na parang ngalan ng whiskey. Sa simpleng paraan, tawagin na nga nating Deltacron. Ilang linggo na rin nating binabantayan ang dyaheng variant na ito. Sa mga unang pahayag ng may mga kinalaman: mas mabilis ng higit sa Omicron, pero kung mas matindi ang epekto sa katawang nahawaan, di pa gaanong alam.

Isang nakababahalang insidente ay ang mga karatig pook ditto sa Pinas: 500,000 sa isang araw ang covid cases sa South Korea; mayroon na ring outbreak sa Shanghai, Tsinan a kung saan ang orihinal na covid ay nanggaling. Pati sa Thailand at Hongkong ay tila humulagpos sa case-down at ngayon ay nakakaranas ng case-up and away.

O paano na? Tigil putukan na naman? Hinay-hinay na naman? Bakit hindi, eh kung ganyan naman na may paparating na bagong salta sa
baul ng mga covid, sino ba ang hindi malulunod na naman sa pangamba, lalo na kung mas matindi ang epekto nito sa nahawaan na. Lalo na kung ang hawaan ay madaling mangyari sa mga mataong lugar.

Lalo na kung ang kampanyang pulitika ay dinadagsa ng mga taong hindi kailang maambunan ng konting biyayang nakaw at korupsyon ang
pinaggalingan o pagbabawian?

Kaya naman, isang mariin na paalala: Making tayo sa mga nakaaalam. Huwag maging kampante. Doble, triple ang pag-iingat. Huwag madaliin ang mga eksperto upang sugurin na natin ang next level na Alert 0. Teke, teka, wala daw ganoong kategorya ang pagiging alert.

Ating uulitin na pambasag ng kamalayan: Kung ang mga kaso sa buong bansa ay tuloytuloy ang pag-dausdos, ok yun. Pero ingat-ingat pa rin. Kung ang mga kaso dito sa Baguio, halos wala na — nitong huling mga araw hanggang kahapon, zero-count na, zero-death pa — napaka ok yun.

Kung Lunes pa lamang, dagsa na ang mga turista, nakikipag-patintero sa ating mga kalsado, de motor man o de-paa, ok pa rin. Basta walang pagsabog ng mga bagong kaso na X3. Basta walang nanghahawa at nahahawa.

Kalmado lang, ingat pa rin. Ang mga hindi pa bakunado — meron pa bang nasa ibang mundo ng buhay ang hindi pa tanggap ang benepisyo ng bakuna? Sabi nga ni Presidente ng paulit-ulit, habang binabasa ang tangang eskrip: “sige, matira ang matibay, mamatay kang hindi man lang makikita ng mga kaanak, wag ng mandamay na mahawa ang iba.

Ang panawagan nga ngayon, dahil na rin sa mababang bilang ng mga boosted up ng third shot, bahay-bahay na ang gagawin ng mga nagbabakuna. Di ba delikado ang bahay-bahay, parang Akyat-Bahay! Ang importante, may proteksyon sinoman. Dumating man sa atin ang
ikinababahalang Deltacron.

Ang siste, napadami yata ang kabuuang bilang ng mga bakuna, samot’saring panturok sa mga hindi pa bakunado, sa mga hindi pa boosted up, kaya eto, ibibigay na lamang sa ibang karatig bansang sobrang mababa ang vaccinated, dahil sa kaulangan at kakapusan ng pambili.

Ano bang klaseng desisyon ito? Halos 10 milyon pa lamang sa buong kapuluan ang nakapag-booster shot na, pero eto, ibibigay nalamang ang mga bakunang nakalaan para sa mga Pilipinong napakatitigas ng kukote.

Ano pa ang hihintayin ninyo, ang darating na Pasko? Pwede ba, ngayong Pasko ng Pagkabuhay, magpabakuna na kayo. Iwas-virus na kayo. Iwashawa na kayo. Iwas-covid na kayo. Doble, triple ingat. Dyan tayo aangat!

At dahil sa Semana Santa nitong linggo, at ngayon nga ay Easter Sunday, sige, lubusin natin ang buong Holy Week na pagiging Holy at hindi holi lamang. Sa muling pagbuhay ni Hesus, isaalang-alang natin ang halaga ng Bagong Buhay. Ganoon din ang Baguio. Tema ng pagbabago, ng pagalsa sa kinadapaan, ng pagbangon tungo sa dating ganda, ayos at gayuma ng Baguio.

Nitong nakaraang linggo, puspusan na ang bawat araw at gabing kampanya ng mga kandidato. Karamihan naman, paguwapuhan, pagandahan, me sayaw-sayaw, me kanta-kanta, pero ang hinahanap natin ano ba ang plataporma?

Dating gawi ba, dating nakagawian, dating kalakaran? Sabi ng barbero ko, sa matino na tayo. Yung hindi kurap? Sagot ko naman: pati na siguro ang hindi man lang kumukurap pag ikaw na ang kaharap! Sabay kindat at kembot.