Batang lalaki, ibinalibag ng 17 anyos na binatilyo

Sinaktan ng 17 anyos na lalaki ang isang 9 anyos bandang 3:30pm ng July 18 malapit sa gate ng Guisad Valley National High School ng Bado Dangwa Cresencia Village, Baguio City.
Ayon sa ulat, habang naglalaro ang biktima at kaniyang mga kaibigan sa nasabing lugar ay lumapit ang suspek sa bata lalaki, binuhat ito at ibinalibag sa simento.
Nasaksihan ni Rodel Deveraturda, 51 anyos, company driver at residente ng Sitio Bilis, Apugan Sto. Tomas, Baguio City, ang pangyayari habang nagmamaneho ng shuttle ng kanilang kompanya kaya inihinto ang sasakyan at madali nitong sinaklolohan ang biktima.
Nang makita ng suspek ang papalapit na driver ay agad itong tumakbo papuntang Bonifacio Elementary School. Sinubukang habulin ni Deveraturda ang suspek ngunit bigla itong nawala sa kaniyang paningin kaya humingi ito ng tulong sa naka-duty na security guard na si Bonifacio Dacumos na siyang nakahuli sa suspek na nagtatago sa makapal na damuhan sa may Cresencia Village. Ang mga kinakailangang papel ay inihahanda na para sa inquest proceeding.

Amianan Balita Ngayon