Snatcher, binasag ang inagaw na cellphone

Huli sa pang-aagaw ang isang lalaki bandang 9pm ng July 18 sa Upper Magsaysay Avenue, Baguio City partikular sa harapan ng Tiongsan Super Bazaar.
Lumabas sa imbestigasyon na ang biktimang si Ranel Soledad Bringuela, 42 anyos, may-asawa, sales clerk at nakatira sa Dagohoy Street, Baguio City ay naglalakad para umuwi nang biglang may sumikwat ng kanyang Samsung cell phone.
Nakilala ang suspek na si Rio Velasco Gonzales, 26 anyos, single, high school graduate, walang trabaho at residente ng San Mateo, Isabela at Maliwalo, Tarlac, Tarlac at walang tinutuluyan sa lungsod.
Tumakbo ang suspek papunta sa Lower General Luna Road at hinabol ito ng biktima habang sumisigaw. Dalawang security guard ng isang hardware ang nakarinig sa komosyon at sinubukan nilang harangan ang suspek subalit nakaiwas ang suspek na tumakbo papuntang Upper Mabini Street. Sumali na rin sa paghabol ang dalawang guard na nagresulta sa pagkaaresto ng suspek. Subalit nang malapit nang mahuli ang suspek ay initsa nito ang inagaw na cellphone sa gitna ng kalsada na nagdulot upang masira ang screen nito. Ang kaso ay inihahanda na para sa inquest proceedings.

Amianan Balita Ngayon