Lalaking nagnakaw sa lasing, huli

Huli ang isang lalaki matapos nitong nakawan ang isang lasing na lalaki sa Esonice Bus Terminal sa Shanum Street, Baguio City bandang 6:45am noong July 17.
Lumabas sa imbestigasyon na nag-iinuman ang biktimang si Jessie Diaz Dumaca, 21 anyos, residente ng City Camp Proper, Baguio City kasama si John Mel Arnaldo nang lumapit ang suspek na si Jayvee Salviejo Magpayo, 21 anyos at residente ng Bengao, Marcos Highway, Baguio City. Nakiusap ang suspek na sumali sa dalawang nag-iinuman, at pumayag naman ang mga ito.
Nang inantok ang biktima at kasama nito bunsod ng kalasingan ay bigla na lamang naramdaman ng biktima na kinakapkapan siya ng suspek at nakuha ang wallet nito na may lamang P8,500. Bukod sa wallet, nakuha rin ng suspek ang kaniyang Samsung S5 na nagkakahalaga ng P4,500.
Naramdaman ng suspek na nagising ang biktima kaya tumakbo ito. Hinabol ng biktima ang suspek subalit ang mga gamit ay naipasa nito sa kaniyang dalawang kasamahan.
Ang tatlong suspek ay tumakbo papuntang Kisad Road palikong kanan ng Ina Mansion at inabot ang General Lim Street kung saan nahuli ang suspek ngunit nakatakbo ang dalawang kasama nito.
Ang suspek ay dinala sa BCPO Tourist Police Unit at inilipat sa PS7 ng BCPO para sa disposisyon ng kaso.

Amianan Balita Ngayon