BINAGONG BAGUIO CITY CHARTER, WALA SANANG NAKALIGTAAN AT NABALEWALA

Noong Abril 11 ng taong ito ay naging batas ang Republic Act 11689 o ang Revised Baguio City Charter Act dahil hindi vineto o linagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at naglapse makalipas ang 30 araw. Aamendahan ng RA 11689 ang makasaysayang karta (charter) sa panahon ng Amerikano matapos ang mahigit 100 taon na tutugon sa mga kasalukuyang pangangailangan ng lungsod at mga mamamayan nito.

Napaloob din sa batas na pangunahing iniakda ni Baguio City Representative Mark Go ang mga probisyon na kasuwato sa Sustainable Development Goals ng United Nation at hangad na hubugin ang lungsod bilang isang matatag, nasusustine, pangkalahatan, at puwedeng tirahan na lungsod gamit ang mga makabagong pamamaraan upang mapahusay ang kalidad ng buhay habang linilinang ang pagrespeto para sa kasaysayan ng lungsod, pamanang pangkultura, at proteksiyon ng kapaligiran.

Sinubukan ng karamihang miyembro ng konseho ng lungsod ang isang huling pagsisikap na apela kay dating Pangulong Duterte na i-veto ang RA 11689 dahil sa kakulangan ng konsultasyon at iba pang dahilan. Iginiit nila na kailangan daw dumaan sa isang plebesito ito para sa kinabukasan ng lungsod. Nais din nila na ang 19 na kondisyon na ipinanukala ng kanilang mga kasama noong 1994 ay isaalang-alang para sa lugar ng Camp John Hay.

Ayon kay Congressman Go ay hindi kailangan ang pagsasagawa ng plebesito alinsunod sa Local Government Code (RA 7160) at ang umiiral na hurisprudensya (batas). Hindi daw hangad ng Revised Charter na lumikha, hatiin, o buwagina n gang isang local government unit, o baguhin ang mga boundaries ng lungsod na kung saan kinakailangan ang isang plebesito. Tahasan ding sinasabi sa Revised Charter na ang lungsod ay bubuuin ng kasalakuyang teritoryal na hurisdiksiyon ng lungsod.

Samantala, sa kaniyang pribilehiyong talumpati sa regular session ng konseho noong Setyembre 19 ay sinabi ni Councilor Jose Molintas na naniniwala siya, na bilang kasalukuyang mga opisyal ay obligasyon nila na humingi ng patawad sa mga katutubo ng Baguio gaya ng ginawa ng gobyerno ng Australia sa kanilang aboriginal na mga tao. Tinukoy niya na anf mga buhay ng mga katutubo ay napinsala ng mga nakaraang polisiya ng gobyerno at kailangang aminin din ng pamahalaang lungsod ng Baguio ang makasaysayang mga kawalang-katarungan na ginawa laban sa mga katutubo nito (mga Ibaloi at Kalanguya).

Naghinagpis siya sa diskriminasyon at pang-aapi ng dinanas ng mga IP ng Baguio sa nakalipas na 120 taon lalo na ang pagkait sa mga orihinal na nanirahan ng kanilang karapatan na makuha ang kanilang pagaaring legal sa kanilang mga lupa. Nawala daw ang mga minanang lupain ng mga katutubo ng
Baguio dahil sa pagpapairal ng mga banyagang batas na ipinatupad sa isang napakawalangkatarungan na pamamaraan na animo wala sila sa ilalim ng rehimen ng Espanya.

Isang halimbawa ay ang laban ni Mateo Carino sa kaniyang 148 ektaryang lupain na nasa loob ng Camp John Hay Reservation na kung saan ang kaniyang tribong Ibaloi ay nanirahan buhat pa noong unang panahon. Subalit ibinebenta ng Lungsod ng Baguio ang mga lupa na dapat sana’y sinasaklaw
ng mga “katutubong titulo” sa pamamagitan ng Townsites Sales Application, Commercial Sales Application, at Miscellaneous Sales Application mula sa araw na naging charter ang lungsod.

Nagkakapera daw ang Baguio sa pamamagitan ng mga ancestral lands na ito at ang sistemang ito ay nanghihikayat ng iligal na okupasyon ng mga lupa kung saan nabibigyan sila ng prayoridad na makakuha ng titulo sa halip na madiskuwalipika, kaya naging isa ito sa mga pangunahing problema sa lupa dahil sinakop na ng mga illegal settlers ang mga reserved land ng lungsod. Nagdadlamhati si Molintas na walang mga Igorot sa listahan ng mga miyembro ng bagong tatag na advisory council gayundin ang lawa;an ng isang Indigenous People Mandatory Representative (IPMR) sa city council.

FILIPINO ATHLETES

Amianan Balita Ngayon