Brigada Eskwela nakatakda sa Mayo 20-25

LUNGSOD NG BAGUIO – Inanunsiyo ng departamento ng edukasyon na ang taunang Brigada Eskwela ay gaganapin sa Mayo 20 – 25, 2019 sa mga pampublikong paaralan sa lungsod upang masiguro ang kahandaan ng mga pasilidad ng mga paaralan sa pag-umpisa ng pasukan sa Hunyo 3, 2019.
Nanawagan ang mga opisyal ng Division of City Schools sa mga magulang ng mga mag-aaral at estudyante, mga guro, mga residente, mga opisyal ng barangay at mga volunteer na aktibong makiisa sa pagsasagawa ng Brigada Eskwela sa iba’t-ibang public school sa lungsod at ibahagi ang kanilang serbisyo para makapaghanda sa maayos na pagbubukas ng klase.
Ang taunang programa na Brigada Eskwela ay naitatag ng DepEd at ng lokal na pamahalaan upang masiguro ang kahandaan ng mga pampublikong paaralan sa pagbubukas ng klase at nang sa gayun ay hindi na maabala ang oras ng mga mag-aaral at estudyant sa paghahanda ng mga silid-aralan at pasilidad kung magbubukas na ang klase para sa school year 2019 -2020.
Una dito ay inaprubahan ng konseho ang isang ordinansa na nagtatatag sa taunang pagsasagawa ng Brigada Eskwela sa iba’t-ibang public schools at naglaan ng may PhP1.5 milyon mula sa
available local funds, partikular ang special education fund ng lungsod, na pantay-pantay na ipamamahagi sa mga pampublikong paaralan sa pamamagitan ng iba’t-ibang materyales na kailangan sa
nakaprogramang mga trabaho.
Sa lungsod pa lang ay may 47 public elementary at 21 public secondary institution na nasa iba’t-ibang bahagi ng lungsod na nagbibigay ng de kaledad na edukasyon sa nasa isang daan libong mag-aaral at estudyante.
Ang taunang Brigada Eskwela ay nalikha upang masiguro na hindi na masayang ang oras ng mga mag-aaral at estudyante sa pag-sasaayos ng kanilang silid-aralan sa unang linggo ng klase bagkus ay makatutok na sila sa kanilang pag-aaral sa umpisa pa lang ng klase.
Naglalaan ang lokal na pamahalaan ng isang bahagi ng taunang badyet nito para tulungan ang Division of City Schools na bayaran ang maintenance at iba pang operating expenses, maliban sa pondong inilalaan ng local school board sa pamamagitan ng special education fund na ginagamit sa pagpapasahod sa mga gurong binabayaran ng lungsod at personnel kabilang ang ilang pangangailangan ng division.
Sa ilalim ng mga probisyon ng Republic Act (RA) 7160 o ang Local Government Code of the Philippines, ang mga lokal na gobyerno ay may mandatong maglaan ng isang bahagi ng kanilang koleksiyon mula sa real property taxes na gagamitin sa mga programang may kinalaman sa edukasyon, mga proyekto at aktibidad sa ilalim ng pangangalaga ng local school board at bubuuin ng special education fund.
Nagpahayag ng pasasalamat ang mga opisyal ng DepEd sa lokal na pamahalaan sa hindi matawarang suporta sa mga programa, proyekto at aktibidad ng ahensiya, lalo na ang pagbibigay sa mga mag-aaral at estudyante ng lungsod ng de kaledad na edukasyon na magagamit nila sa pagkamit ng mas mataas na antas ng edukasyon at upang mapahusay ang kanilang de kaledad na pamumuhay.
 
PMCJr./ABN

Amianan Balita Ngayon