Digong vs. Leila, may round 2 ba?

Maalaala pa ba ninyo ang mga nakalipas na makapanindig-balahibong eksena sa buhay ni dating DOJ Sec. Leila De Lima at  senadora  sa kasalukuyan ay nakakulong dahil sa diumano’y drug charges? Maraming nagpiyesta sa kontrobersiyang yon kung saan nakalkal nang husto ang kanyang personal na buhay. Pati na ang isyu ng “bodyguard, driver, lover” at “pagsusubo ng saging” ay sandamukal na mga tsismoso’t  tsismosa ang namayagpag.  Naging laman ng mga balita sa diyaryo, radyo at telebisyon ang eksenang mga yan. At ano ang naging ending? Ayon, nakulong nga si senadora hanggang ngayon. Malimit tayong makarinig ng tungkol sa kanya. Naging tahimik ang kanyang mundo. Ngunit kamakailan, biglang nabulahaw ang mundo nang rumipeke ulit ang kanyang ngalangala. At siyempre walang iba kundi si Pres. Duterte (ulit) ang binimbang ng bukadura! Sige, pards, puwesto na at bulatlatin natin ang kanilang mga “kakuwanan”!

******

Ang tiklop na libro ay muling nabuksan sa makasaysayang istoryang pinagbidahan ng tensiyon sa pagitan nina Digong at Leila.  Sabi nga ng mga nagulat: para silang ulam na “sweet and sour”.  Kasi nga sa gitna ng kanilang bangayan (noon) nahahaluan din ng komedya sa kanilang mga pahapyawan na biruan.  Sabagay, malalim pero may mga patama ang kanilang humors. Kaya nga may bulong pa noon na sana’y magtagpo ang dalawa (Digong-Leila) sa isang okasyon kung saan mahihiling na sila’y magdance-partner. He he, ano kaya ang mangyayari? Baka may tukaan pa! Ngek! Joke lang, pards.  Gusto lang nating pahupain ang muling nagbabagang landas ng dalawang sikat sa ating lipunan.  So ang libro ay muling nabuksan. Sa unang pahina pa lang, banatan na agad sina Digong at Leila. Ang dahilan: yong halik sa bibig ni Digong sa isang OFW (Mrs. Ng isang Koreano) na nabigyan ng malisya. Inupakan diumano ni senadora ang paghalik na yan kahit alam na ng buong mundo ang istorya. Mismo ngang yong OFW na nahalikan ang nagsabing – “walang malisya” ang “smack” na yun. Pero, marami pa rin ang hindi bumilib.  Isa na rito si Leila. At dito pumutok ang “Round 2” sa sagupaang Digong at Leila.

******

Bumuwelta nga si Pres. Duterte. Nagbanta pa nga siya na kanyang ilalabas ang isang “sex video” ng senadora at ang kanyang diumano’y “kabit” na naging usap-usapan sa Mababang Kapulungan (lower house) noong naimbestigahan ang paglaganap ng illegal na droga sa New Bilibid Prison noong 2016. “There’s a lady nakakulong, sabi niya na bastos daw yong ginawa ko. Eh, nagpermiso ako, tinanong ko.  Sabi niya, what I did was indecent, bastos,” upak ni Digong sa kanyang talumpati sa pamimigay ng Certificate of Land Ownership award sa Cabatuan, Iloilo kamakailan.  Dagdag pa niya: “Eh, kung may screen lang kayo dito, ipapakita ko yong x-rated niya. Nakalimutan niya, siya ang unang pinakabastos dito. Kasi kulang sa common sense or you are desperate when you begin to be judgemental and you forget conveniently that you started the most – pinakamabastos na magawa ng isang senador”! Maalaala na may pahayag pa noon ang pangulo na magbibitiw siya kung mayorya ng mga kababaihan ang lalagda sa petisyon para siya’y pababain sa puwesto kung immoral ang paghalik niya kay Bea Kim. Ang kasunod ay mahabang katahimikan. Maraming kontrobersiya ang mga nagsulputan at nabaon sa limot ang naturang pahayag.  Tanong: ang “round 2” kayang ito ay lalala pa o maglalahong parang bola sa hinaharap.  Daplis: magkamayan na lang kayo at magtulungan para sa ating bayan. Amen! Adios mi amor, ciao, mabalos!

Amianan Balita Ngayon