Driver, sugatan sa truck na nawalan ng preno

Pansamantalang nawalan ng kuryente at tubig sa ilang lugar sa lungsod matapos na inararo ng isang truck na puno ng tinatayang 6 toneladang buhangin ang pader ng isang paaralan, wire barricade at harapan ng pumping station ng Baguio Water District, at poste ng kuryente ng Benguet Electric Cooperative sa Ciudad Grande Phase II Road, Bakakeng Sur, Baguio City noong Enero 30.
Sa ulat ng pulis, dakong 9:45 ng umaga nang ang Isuzu dump truck na may temporaryong plaka na CNS-435 at minamaneho ni Rustico Tayag Garcia, 55, ng Purok II Tucad Road Bakakeng Sur, Baguio City, ay patungo sa isang construction site para maghatid ng buhangin nang dahan-dahang umandar ang truck hanggang sa hindi na ito nakontrol ng drayber.
Ayon sa imbestigasyon, ang truck ay nawalan ng preno.
Bilang resulta, nagtamo ng pinsala ang truck, ang concrete wall ng Saint Louis University carpentry building, poste at transformer ng kuryente, kabilang na ang wire fence, transformer at pumping station ng BWD.
Dinala si Garcia sa Baguio General Hospital upang gamutin ang kanyang mga natamong sugat at pagkatapos ay sinampahan ng kasong multiple damage to property. MARK PAUL PERALTA, UB INTERN

Amianan Balita Ngayon