FACEMASK, OPTIONAL MASKI INDOORS

ETO NA naman tayo, puno ng pangamba dahil anumang araw ay gagawing opsyonal na ang paggamit
ng face mask sa mga indoor setting. Kamakailan lamang, siguro mga dalawa o tatlong buwan pa lamang ang nakalilipas, ginawang opsyonal ang gamit kapag nasa labas ng anumang gusali o bahay, maliban kung nasa loob ng pampublikong sasakyan. Eto ngayon, at kandaugaga ang ilang mga opisyales ng BBM
administration na isama na rin ang mga indoor setting sa opsyonal na gamit ng face mask.

Dito nabahala ang ilang mapanuring kababayan natin, hinalughog ang mga naunang pahayag ng mga eksperto noong bagong pa lamang manalasa ang pandemya, at tuwiran nilang isinasaad ang saloobin na hindi pa panahon upang tuluyang iwaksi ang gamit ng face mask. Ang sabi nga ng isang nakaaalam, “Ang halaga ng pag-gamit ng face mask sa mga nasa loob ng gusali at establisyemento ay hindi matatawaran, lalo na patuloy ang paghasik ng takot at lagim ang virus sa ating paligid.

Halos nasa 85% ang proteksyong ibinibigay sa face mask user kapag nasa indoor setting. Ito ba ay isasantabi na lamang, matugunan lang ang panawagan ng pagluluwag sa mga sektor ng ekonomiya na tila
gaya-gaya puto-maya sa mga karanasan sa ibang karatig bansa?” Atin munang iksaminen ang mga ipinahahayag ng mga opisyal na hindi naman mga health experts at infectious disease specialists. Anila, kung sa mga karatig bansa ay wala ng gumagamit ng face mask, at tuluyan ng normal ang takbo ng kanilang ekonomiya, eh bakit pahuhuli pa ang Pilipinas?

Hindi kataka-taka na manghilakbot ang mga health experts – silang mga nakipaglaban sa covid-19, silang nasa frontline ng laban, at hindi inalintana ang panganib na mahawaan kapag kanilang inaasikaso ang mga pasyenteng nahawaan ng virus. Ano nga ba ang ipinagmamadali na halos hatakin ang madlang pipol na isantabi na ang mga health protocol na tried and tested naman?

Suriin natin ang vaccination rate sa kasalukuyan. Hindi ba’t halos nasa 85% na ang mga dumaan sa 2-dosage vaccination na halos 4 na buwan ang pagitan? Ang parting ito ng usapan ang dapat tingnang maige. Ang 85% na vaccinated populasyon ay doon lamang sa mga target population sektor. Ibig sabihin,
hindi ang suma total ng lahat ng Pilipino. Hanggang ngayon nga ay ikinakampanya pa na ang natitirang bilang ng mga bakunado, mga 15% of target sector, ay dapat mabakunahan na.

Sa mga boostered up na, yong mga sektor na ating pinangangalagaan ng husto, ang mga katandaan at mga indibidwal na mayroong comorbidity (o dating sakit na iniinda) ay lumalabas na nasa 40% ang nabigyan nan g first booster shot, at ang second booster ay hindi pa umaabot ng 20%. Kung ganito ang kundisyon ng bakunahan, bakit mamadaliin ang pag-alis ng mandato na kailangang nakaface mask ang madlang pipol kapag nasa labas at maging pag nasa loob ng gusali?

Nitong mga nakaraang 3 buwan, ating ginawang opsyonal ang face mask use, ngunit kahit anong oras at araw, mabibilang lamang ang non-face mask user. Ibig sabihin, self-discipline ang pinaiiral ang karamihan.
Kanilang ng sinusunod ang kaugalian ng face mask use samantalang wala pang opisyal na deklarasyon na nagapi, nasupil, at bagsak na si covid- 19.

Ang aking sariling pananaw: nasa ating mga kamay (na syang gagawa ng aksyon para iwaksi ang face
mask use) ang dapat na sundin. Walang mawawala kung akuin natin ang reponsibilidad ng anumang bagay tungkol sa ating kalusugan at kaligtasan. Maaaring opsyon ang hindi pag-gamit ng face mask sa
indoor setting, pero opsyon pa rin natin ang mag-desisyon na gamitin pa rin bilang pananggalang ang face mask. Ito ay ating sariling obligasyon, na hindi maaaring saklawan ng anumang pamahalaan, lalo at higit na mismong mga siyentipiko silang mga nakaaalam ang nagsasabing “iyong desisyon ang bagay na iyan!”

Kung ibig nating maiangat ng ligtas ang bawat isa, umahon tayo ng pagkukusang malampasan si covid at ang mga super-variant na nagusbungan sa panahong hindi dapat madaliin, kung ang kapalit naman ay buhay. Pare ko, iyan ang dapat na itugon sa panawagan nag awing opsyonal ang gamit nga face
mask. Gawin ang nararapat, sa matinong pag-iingat!

Amianan Balita Ngayon