GAANO KADALAS ANG MINSAN

KUMUSTA ka na tiyan? Hanggang ngayon ay pinag-uusapan pa rin ang sinasabing sobra daw sa
totoo ang deklarasyon na mayroon tayong malubhang sitwasyon ng Gastro-enteritis sa buong Baguio at mga karatig bayan ng Benguet. Noong Myerkoles, buong kumpyansang ipinahayag ng
Punong Ama ng Bayan, si Mayor Benjie, na mayroon ng “Outbreak” ang mga kaso ng kumukulong mga tiyan, bagay na kanyang pinatotohanan sa paglalahad ng mga higit sa 2,000 insidente ng sakit na nasa mga ospital.

Hindi ito ang unang pagkakataon na umaani ang Alkalde ng Baguio ng mga pasaring, na tila yata
nasobrahan ang kanyang pagkakaunawa sa sitwasyon ng mga gastro cases dito sa Baguio. Ang tila hindi nailalahad ay ang mga insidente ng mga kaso ng pananakit ng tiyan simula pa noong
katatapos na Kapaskuhan. Noon pa pala nagkakaroon ng mga kasong ganito. Kaya naman, sa isang
maikling pahayag, sinabi ng Ama ng Lungsod na nakakabahala ang bilang ng mga kasong kanyang
minamatyagan ng lubusan.

Kanya ring binaggit na ang mga bilang ng mga insidenteng pang-tiyan ay galing na rin sa mga pagsasaliksik ng City Health Service Office at maging ng regional office ng Department of Health sa buong Cordillera. Gaano nga ba kadalas ang minsan? Kailan ba dapat bigyan ng tamang babala ang mga mamamayan sa sitwasyon ng mga sakit ng tiyan? Hindi ba’t pangunahing tungkulin ng
isang punong-lungsod ang pagseseguro na ang kalusugan at kapakanan ng kanyang mga pinagsisilbihan?

Meron pang nagsabi na ang mga babala ni Mayor Benjie ay magkakaroon ng kakaibang epekto sa mga taga-labas ng lungsod, yung mga bisitang palagiang bumubisita sa Baguio, upang kahit mga
isa-dalawang araw ay makahulagpos sa hirap ng magulong mga lungsod sa Kamaynilaan. Nandiyan ang tamang pagbabalanse sa pangunahing kapakanan ng mga taga-Baguio laban sa mga pagkilos na muli at muli ay mahikayat ang mga turista na langhapin ang sariwang hangin ng lungsod at
lumugar dito ng ilang mga araw upang kahit papaano ay magkaroon naman sila ng pagkakataon na makahulagpos sa napakainit na kilma, sa napakamagulong sitwasyon sa anumang dako ng bansa.

Mayroon pa tayong narinig na komentaryo na baka bumagsak ang industriya ng turismo kung maya’t maya ay hinihikayat silang huwag munang dumalaw sa Baguio dahil mayroong sakit na
lumalaganap. Bakit nga naman sila aakyat pa ng Baguio kung sakit lamang ang kanilang babalikatin? Kaya naman, napapanahon na ating tanungin an gating mga sarili: gaano nga ba kadalas ang minsan? Hindi maitatatwa na minsan lang nagdeklara ang pinuno ng lungsod na mayroon tayong “outbreak” na matatawag, dahil na nga sa kakaibang mataas na bilang ng mga nagdurusa sa sakit ng tiyan.

Sa istilo ng pamamahala ng ating Mayor, hindi sya ang tipong ikukubli ang katotohanan ng anumang sitwasyon, makahikayat lang ng mga bibisita sa Baguio. May lagging hangganan ang mga
binibitawang pahayag ng isang mapagkakatiwalaang opisyal, lalo at higit ang tiwala na kanyang pinagsasandalan. Gaano man ka-seryoso ang kanyang mga pahayag, lalo na kung tungkol sa pangunahing pangangailangan ng mamamayan, ito ay kanyang ipagkikibit ng balikat at
hayagan niyang sasabihin ang tunay na totoo, gaano man kabigat ang magiging pandinig sa iba.

Ito ang mga araw na kailangan nating bigyan ng lakas ang mga ginagawa ng mga kaukulang sangay ng pamahalaan, lalo na ang City Health Service Office, ay kanilang magampanan ng buong katapatan ang kanilang mga mandato sa serbisyo. Hindi ito labanan ng papogi-pogi at pangiti-ngiti upang mangibabaw sa pagtingin ng mamamayan. Ito ay usapin tungkol sa tama at mali sa larangan ng panunungkulan. Tandaan natin na sa simula pa lamang, mahigpit ang kapit ng mga
prinsipyong pang-kagalingan sa liderato ng isang Alkaldeng tulad ni Benjie.

Walang kyemekyeme, walang atubili, kanyang aasikasuhin ang nararapat, anuman ang hamong ng
anumang pagkakataon. Serbisyong tama at ayon sa prinsipyo ng Pamamahalang May Husay at Galing at naibibigay ng tama at akma sa tawag ng tungkulin. Ang pagkakapit-bisig ay buong kusang binigyang dangal, bilang pagkilala sa mga liksyong umigting sa ating buhay. Huwag kaligtaan at nawa ay hindi ibaon sa limot: Ganyan ang Pilipinong kailanman ay hindi naging nagpadaig sa pagahon at pagbangon.

Ang ngiti ay napakadaling gumuhit ng bagong mukha. Ang halakhak ay buong-buong sumasambulat sa kapaligiran, tanda ng isang pursigidong Pinoy na palagiang ginagabayan ng tiwala at adhikain na taal sa pagiging Pilipino. Muli at muli, titindig at magiging simbolo ng lakas ang Pinoy. Diyan tayo aangat ng lubusan, sa pag-asang ang asenso ng pamilya ay nasa pinagsamang talino, at husay ng Pilipino.

Diyan tayo sasampa, sa liwanag na taglay ng ugaling Pinoy: hindi magpapalupig, walang dahilan upang magpapadaig, at hindi magsasawa na walang kibo sa unos na dumarating at tiyak na hahampas. AngatTayoBaguio. Dahil sa tiwala, ang lahat ay magaganap, anuman ang hamon, anuman ang panahon o pagkakataon.

Amianan Balita Ngayon