KALINISAN NG TUBIG DAPAT BIGYAN DIN NG PRAYORIDAD

Nitong Miyerkoles, Enero 10 ay idineklara ni Mayor Benjamin Magalong ng Baguio City ang isang paglaganap ng gastroenteritis matapos magsimulang dumami ang iniuulat na kaso mula pa noong kapaskuhan at pagdiriwang ng bagong taon. Sinabi ni Magalong na tutukuyin ng mga awtoridad ang pinagmulan ng paglaganap upang matugunan ang problema sa pakikipagtulungan ng iba pang local government units lalo na mga nasa BLISTT area, Baguio, La Trinidad, Itogon, Sablan, Tuba at Tublay.

Iniutos ng mayor ang isang komprehensibong testing ng mga water source, kabilang ang mga kompanya ng water deliveries at deep wells. Tutulungan ng Baguio City Police Office (BCPO) ang City Health Service Office at ang Baguio Water District upang mapabilis ang pagkalap ng mga datos at water testing operation. Hanggang nitong Miyerkoles ay nakapagtala ang City Health Office (CHSO) ng 1,762 selfreported na mga kaso ng gastroenteritis at 20 porsiyento ng mga kaso ay himingi ng medikal na konsultasyon kung saan napabilis ng QR code system ng lungsod ang proseso ng self-reporting.

Naapektuhan ng paglaganap ang 218 establisimiyento at 80 kabahayan. Walumpu ng mga
establisimiyento ay nasa SM Baguio, 134 sa ibang mga establisimiyento sa Baguio, at apat sa La
Trinidad. Naapektuhan din ang mga turista kung saan kinakailangang maospital ang ilan. Siniguro
naman ni Mayor Magalong sa publiko ang kahandaan ng lungsod na magbigay ng tulong
medikal sa koordinasyon sa Baguio General Hospital.

Ang paglaganap ay hindi limitado sa Lungsod nga Baguio dahil may mga ulat na din mula sa La Trinidad at Itogon na planong magkaroon ng mga konsultasyon si Mayor Magalong sa La Trinidad, Itogon, Sablan, Tuba at Tublay upang matugunan ang mas malawak na epekto ng paglaganap. Tinipon ni Magalong ang isang emergency health team upang gumawa ng isang estratehikong tugon gaya ng rapid testing gamit ang Total Dissolved Solid (TDS) testers sa apektadong mga establisimiyento at mga kabahayan, kasunod ang confirmatory microbial analyses para sa mga positibong kaso.

Nagsasagawa rin ang Baguio Water District ng mga testing sa 67 water sources nito. Nag-isyu ang mga awtoridad ng mga sanitary orders sa pinakaapektadong mga establisimiyento, nag-utos ng malawakang paglilinis at muling pagtetesting bago ibalik ang operasyon. Pinayuhan din ang mga food establishments na huwag magsilbi ng tubig sa gripo at sinalang tubig, a magbigay lamang ng purified water habang binilinan din ang mga kabahayan na gumamit ng purified o pinakuluang tubig galing sa gripo.

Samantala binigyan-diin ng City Health Services Office ang kahalagahan na nalalaman ang
mga sintomas ng gastroenteritis kabilang ang kawalan ng gana sa pagkain, pagkahilo, pagsusuka,
pananakit nt tiyan, pagtatae, at sa ilang mga kaso at dugo sa dumi. Inuulit-ulit ang kahalagahan
ng tamang kalinisan na inirerekomenda ang paghuhugas ng mga kamay gamit ang sabon at tubig
o gumamit ng alcohol-based hand sanitizer.

Sa pinakahuling balita ay tila natukoy na ng mga awtoridad ang dahilan ng paglaganap ng
gastroenteritis, ito ay “kontaminasyon”. Ibig sabihin ay mukhang may nakontaminang linya ng
tubig. Ang isang napapanatili at maaaring tirahang lungsod ay nangangailangan ng ligtas, mahusay
at sapat na suplay ng maiinom na tubig. Habang ang lumolobong populasyon sa lungsod ay
humahamon sa suplay ng sapat na malinis na naiinom na tubig.

Ang access sa malinis na tubig, wastong sanitasyon, at pag-uugali sa mabuting kalinisan ay mahalga para kalusugan ng tao at kagalingan, pag-unlad ng ekonomiya at pagpapababa ng kahirapan. Bagaman gumawa ang bansa ng malaking progreso sa pagpapahusay ng access sa tubig, sanitasyon at mga serbisyo sa kalinisan sa pamamagitan ng Republic Act 9275 o ang Clean Water Act ay marami pa ang dapat gawin. Upang masiguro ang kahandaan ng malinis na tubig sa lahat ay hindi lamang pagpupursige ng gobyerno ay kailangan kundi kailangan din ang pakikialam at pakikipagtulungan ng pribadong sektor at komunidad.

Huwag sanang samantalahin ng mga negosyante ang sitwasyon upang itaas ng sobrasobra ang mga presyo ng inuming tubig na ibinebenta gayundin maging pagbubukas-mata sana ang insidente sa lokal na gobyerno na pagtuunan din ng pansin at asikaso ang sistema ng patubig sa lungsod. Huwag na sanang maulit pa ang pangyayari, managot ang dapat managot, ayusin ang dapat ayusin dahil masasayang lang ang pinagpagurang pagiging isang nangungunang destinasyon ng turista at pagiging isang “smart city” ng Baguio.

NEDA-CAR

Amianan Balita Ngayon