Ginang, arestado sa patong-patong na kasong Estafa

TUDING, ITOGON, Benguet – Inaresto noong Martes ng hapon, Abril 23, 2019 sa Woodsdale Subdivision ang isang 53 anyos na ginang habang nagsagawa ang Itogon Municipal Police Station ng Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operation (SACLEO).
Ang inaresto ay si Richael Toring Rosario, may asawa, walang trabaho, tubong Cebuano, at residente ng Virac, Itogon, Benguet.
Si Rosario ay may warrant of arrest sa paglabag ng Batas Pambansa Bilang 22 (An Act Penalizing the Making or Drawing and Issuance of a Check Without Sufficient Funds or Credit Card and For Other Purposes) sa ilalim ng CC#133779 na naitala noong Setyembre 4, 2015 ni Hon. Glenda T. Ortiz-Sotiano, Hukom ng Municipal Trial Court in Cities, 1st Judicial Region, Baguio City.
Si Rosario ay nagpiyansa ng Php 2,000.00 at natanggap ito ng opisina noong Setyembre 30, 2015. Siya ay dinala sa Itogon Municipal Police Station para sa documentation (Mugshot, Booking, E-rouge) bago siya iharap sa korte.
Ngunit sa muling pagpapatuloy ng Itogon Municipal Police Station sa operasyon ng SACLEO sa ilalim ng pangangasiwa ni Itogon Police chief Rommel Sawatang nitong Abril 24, 2019 lamang sa Virac, Itogon, Benguet kasama ang BCPO at Station 10, ay muling nadakip si Rosario sa kasong ESTAFA (Panloloko Ukol sa Pera) sa ilalim CC#96283 na naitala ni Hon. Linda Cabato-Cortez, Judge of Municipal Trial Court in Cities, 1st Judicial Region, 4th Branch, Baguio City.
Muli, siya ay nakapagpiyansa ng Php 13,000.00 noong November 11, 1999; ESTAFA sa ilalim ng ng CC#99856 na naitala ni Judge Marybell Demot Mariñas ng MTCC, Branch 3, Baguio City noong Oktubre 18, 1999 sa piyansang Php 2,000.00; ESTAFA sa ilalim ng CC#97356 na naitala ni Judge Iluminada Cabato-Cortez ng MTCC, Branch 3, Baguio City noong Mayo 17, 1999 sa piyansang Php 7,000.00.
Ang mga nasabing Warrant of Arrest ay natanggap noong Miyerkules, Abril 24, 2019. Si Rosario ay dinala sa Itogon Municipal Police Station para sa iba pang mahahalagang dokumentasyon.
Sa kasalukuyan ay nasa custody siya ng nasabing Police Station at hindi na pina-piyansa dahil na rin sa patung-patong na kasong nahaharap sa kanya.
 
Gabrielle Dominique F. Daludado, UB Intern/ABN
 

Amianan Balita Ngayon