Handa ka na ba sa pagboto bukas?

Isang tulog na lang, eleksiyon na. Tanong: handa ka na ba, kabayan? Kung hindi pa, dapat lang na paghandaan mo na bago ka maging tuliro bukas kung sinu-sino ang iyong iboboto.

At kung handa ka na, tama kaya ang iyong kahandaan? Wala bang nag-impluensiya sa iyong desisyon? Kung merong nagdikta sa iyong konsiyensiya, sana hindi ka nagkamali at di ka sana makakarma at magsisisi sa huli.

Sundan ang mga sumusunod na mga daplis:

******
Saksi tayong lahat sa kaganapan sa loob ng nakalipas na campaign period. Hindi lingid sa atin ang mga illegal na gawi sa tuwing eleksiyon. Hindi nawawala ang siraan. Ang masakit, kapag naniwala ang mga botante sa kasiraan ng kanyang manok sa kagagawan ng mga kalaban.

Kawawa naman ang mga matuwid at malinis. Ang aral – di dapat basta-basta napagpapaniwala sa mga paninira. Kaya may mga sinisirang kandidato dahil maaring malakas ito. Maari ding tama ang mga paninira.

Ang masaklap kung ang nanalo ay yun pang mapanira. Alam mo na kung anong klaseng public servant ito at kung ano ang hinaharap ng kanyang nasasakupan.

Mangilatis, pards bago malipat ang ating puyo at makapagdesisyon ng mali at taliwas sa karapatdapat.
******
Vote-buying – ito ang malaking problema ng taumbayan lalo na ng Comelec at pamahalaan. Di puwedeng pasinungalingan ang akusasyong may mga bumibili talaga ng boto. Kasi, may nagbebenta. Alin sa dalawa ang mali?

Silang dalawa at parehas silang may pananagutan sa batas kapag mapapatunayang nagkasala. Pero teka lang pards, meron na bang naparusahan dahil sa pagbebenta ng boto o pagtanggap ng pera kapalit ng boto?

Tameme ang Comelec dahil wala naman daw complainant na talagang tinutuloy ang kasong isinampa. Dahil ba sa makupad ang letigasyon hanggang sa mainis na at mawalan ng gana ang witness o nagreklamo?

Kung ganito ang kalakaran, hindi nga mapapahinto ang bentahan ng boto. Saksi ang nakararami na may mga kandidato na may tatlong G – Ginto, Guns, Goons.

Sa nakalipas lang na campaign period, may mga pinatay na mga kandidato sampu ng mga campaigners at pamilya o kaanak. Iisa ang dahilan – upang walain ang tinik sa kanilang landas upang manalo sa eleksiyon. Sa ganyang mga eksena, kapag nanalo ang may tatlong G, ano kaya ang uri ng panunungkulan ang kanyang gagawin? Bayan ang talunan sa ganitong sistema.

Pilitan o takutan o silawan ng pera ang gamit upang manalo. Talo dito ang sambayanan lalo na ang mga mahihirap. Ang kaso, mga mahihirap naman ang target ng bayaran at takutan, di ba? Kung minsan, dahil sa kahirapan, tatanggapin na ang nakahilatang papel de bangko.

Tanong: Ilan kayang porsiyento ang nakatanggap pero hindi naman ibinoto ang nagbigay? Maaring mas mababa ang porsiyento na ganito ang eksena. Pero meron ding matatapang na tatanggapin ang iyong pera, hindi ka naman iboboto.

Talunan diyan ang mga kandidato pero mas talunan din ang botante kung mali ang naiboto.
******
Sabi ng simbahan – bomoto na naaayon sa kagustuhan ng Diyos. Piliin daw ang mga malinis ang pagkatao at serbisyo. Maging matatag sa hatak at kaway ng mga demonyo sa paligid.

Tanong: Bakit kaya halos lahat ng mga kandidato ay nagsasabing sila ay malinis at maka-Diyos pero kung iyong kilatisin ang pagkatao at pagkasino eh, isa naman siyang de-sungay na Lucifer?

Sa mga kandidato at botante, good luck. Adios mi amor, ciao, mabalos!

Amianan Balita Ngayon