HUSTISIYA… PANTA-PANTAY BA?

Sa legal na antas…tunay na dapat pairalin ang pagkapantay-pantay ng lahat kung HUSTISYA ang timbangan. Di lang natin alam kung ito’y umiiral sa mundo. Dito sa ating bansa, saan mang dako ng kapuluan…lahat ng sagisag ng
katarungan ay NAKAPIRING. Kinakatawan nito ang isang panuntunan na sa harap at timbangan ng hustisya, lahat ay pantay-pantay. Ano mang lahi, kulay, rehiyong pinagmulan at kinalakhan, tayo’y nasa iisangt estado sa legal na timbangan ng hustisya. Pero…sa likud ng katotohanang ito…nariyan pa rin ang malaking katanungan: nagaganap ba ito? Naipapatupad ba ito?

Bago natin sagutin ang mga tanong kung naipapatupad ba o nasusunod ba ang tunay na katuturan ng nakapiring na
sagisag ng timbangan para sa pantay na hustisya sa ating bansa….atin munang lingunin ang ilang kontrobersiyang
naganap sa ating lipunan kamakailan: isang batik na naman sa dignidad ng bansa ang SUROT, IPIS at DAGA sa NAIA. Di pa man tayo nakakaahon sa taguring isa sa pinaka-masama o pinaka-bulok na serbisyo ng isang paliparan sa mundo ang NAIA, ay nadagdagan na naman tayo ng pabigat.

Sa nakaraan ay nariyan ang isyu ng laglag-bala; sungkit-bagahe; lagayan-kapalit ng mga palusot; hingi paChristmasma o pakimkim at ang matinding puslitan ng illegal na mga bagay lalo na ang puslitan ng tao at droga. Kung may nagtatanong kung kailan kaya malilinisan ang mantsang ito sa ating paliparan na matataguriang pangunahing mukha ng ating bansa sa daigdig….ano kaya ang ating pwedeng isagot? Siguro…sisikapin nating linisin ang dungis. Nakakaawa naman ang ating GOBYERNO.

Gusto nitong maging malinis at huwaran ang lahat ng antas ng paninilbihan, pero laging namumutiktik naman ang mga salot at batik ng lipunan. Kahit pa kasalanan natin..ibinabato pa rin natin sa gobyerno. Di ba tayo ang gobyerno? Isa pang kontrobersiya kamakailan ay ang isyu sa SMNI at Pastor Quibuloy. Nabulgar na matalik silag
magkaibigan ni dating pangulong Duterte? May nabulgar pang isyu hinggil sa bigayan ng mga armas at kung ano-ano pa. Una nang iniimbestigahan si Ex-Pres.

Duterte hinggil sa kanyang “war on drug” at sumunod ngayon ang isyu naman ng pagmamalabis sa kanyang mga
kapanalig itong si Quibuloy. May mga imbestigasyong isinagawa, pero nagmatigas itong di dumalo. May banta pa siyang hindi siya dadalo kahit pa makulong. Di ba ganyan din kay Duterte? May banta pa nga itong magkakaroon ng patayan pag nagkataon. Ang matindimg eksena: di pa alam kung nasaan si Quibuloy at kanilang itinalagang administrador ng kanyang ari-arian at sekta si Duterte.

Sa ganitong situwasyon….marami ang nangangamba na tatagal ang imbestigasyon. Ang resulta: nasa balag ng alanganin ang daing ng mga biktima. Sa ganitong kalagayan, naipapatupad ba ang sagisag ng kapairing na moog ng hustisya sa bansa? Sa praktikal na pananaw base sa kaganapan sa ating lipunan, talamak ang pagsuwag sa adhikaing pantay-pantay sa harap ng batas at hustisya. Sabi nila…kung may kapit ka, malakas ka at kayang bumili ng palusot…ligtas ka na raw sa asunto at pananagutan. Kawawa naman ang mga walang kaya sa buhay.

Sila ang laging talunan at nalulugmok sa mabahong kulungan. Kaya nga’t may mga nagtatanong kung lahat ba ng mga taong nasa likud ng rehas ay tunay na may pagkakasala o biktima sila ng mga buwitreng nagdiin sa kanila dahil kaya nilang bilhin ang kalayaan at hustisya? Masakit na katotohanan pero tanggapin natin na ito ay nagaganap pa rin sa ating lipunan. Hangga’t hindi naipapairal ang tunay na katuturan ng pagkakapantaypantay sa harap ng batas at hustisya…magpapatuloy pa rin ang pagdaing ng mga kawawang biktima.

Hangga’t nariyan ang mga mapagsamantalang nanakmal sa leeg ng mga walang masandalang bisig…magpapatuloy ang sigaw at protesta ng mga naaapi sa lipunan. Iisa lang ang dalangin natin: para sa mas maunlad, mas tahimik at mas kaiga-igayang pamumuhay…suportahan natin ang adhikain ng bagong tatag na “Bagong Pilipinas”. Sana
magsilbi itong gabay tungo sa mas matatag na bukas ng ating bansa. Sana, sa harap ng hustisya…maging sino ka
man…tayo’y ay pantay-pantay. Yan din ang panuntunan ng ating Poong Maykapal….ang pagkakapantay-pantay ng
kanyang pagmamahal sa buong lahi ng sansinuklob. Adios mi amor, ciao, mabalos!

Amianan Balita Ngayon