Ilokanang OFW, nakauwi dahil sa ‘Balik Pinas, Balik Hanapbuhay’

LUNGSOD NG LAOAG – Isang Overseas Filipino Worker (OFW) mula sa bayan ng Badoc, Ilocos Norte ang mabilis na natulungan ng programang Balik Pinas, Balik Hanapbuhay katuwang ang pamahalaang probinsyal ng Ilocos Norte.
Napaluha sa pasasalamat si Melvida Cainglit, residente ng Badoc, Ilocos Norte, dahil sa wakas ay nakauwi na ang kaniyang anak mula sa bansang United Arab Emirates (UAE) matapos itong umalis sa bahay na kaniyang pinapasukan.
Ito ay sa pamamagitan ng tulong ng probinsya para mabilis na maiproseso ang kaniyang pag-uwi sa pamamagitan ng embahada ng Pilipinas at ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Ayon kay Cainglit, napabilis ang pag-uwi o repatriation ng kaniyang anak na si Rofilyn, 29 taong gulang, na nakipagsapalaran sa UAE bilang isang domestic helper nito lamang buwan ng Enero.
“Kung hindi pa kami tinulungan ng pamahalaang probinsiyal ng Ilocos Norte, baka matatagalan pa ang pag-uwi ng aking anak,” ani Cainglit.
Unang lumapit si Cainglit sa OFW Desk Office sa pangunguna ni Dolores Cortez na siyang nakipag-usap sa OWWA Rehiyon 1. Mula doon ay natulungan silang magproseso ng kanilang pakiusap sa embahada.
Si Rofilyn ay umalis sa bahay ng kanyang amo at nagpatulong sa embahada ng Pilipinas dahil pinapahirapan siya sa kanyang mga gawain, pinagtatrabaho kahit may sakit, at hindi pa pinapatingin sa pagamutan.
Aniya, ang embahada ng Pilipinas ang umayos ng kanyang papeles upang makauwi ito sa Pilipinas dahil na rin hawak ng kanyang amo ang kanyang passport.
Sa ngayon, hinihintay na maibigay sa kanya ang pondo para sa pagpapatuloy ng kanyang hanapbuhay galing sa Regional Office ng OWWA upang makapagsimula siya ng maliit na negosyo dito sa Pilipinas. CHERRY JOY D. GARMA, PIA-Ilocos Norte / ABN

Amianan Balita Ngayon