Isa patay, isa sugatan sa pananaksak ng kainuman sa Benguet

Patay ang isang lalaki samantalang sugatan ang isa pa dahil sa pananaksak ng kainuman bandang 3am ng Oktubre 4, 2018 sa Kagam-es, Amgaleyguey, Buguis, Benguet.
Iniulat ni Dina Balegan Balangoy, negosyante at residente sa nasabing lugar, sa Buguis MPS ang insidente ng pananaksak na nangyari sa nasabing lugar kung saan itinakbo ang mga biktima na sina Mathew Banagyo Chinaman, 25 anyos, magsasaka ng Mayoyao, Ifugao; at Reynold Banggao Gumintang, 23 anyos, magsasaka sa Ubaw, Aguinaldo, Ifugao, sa Lutheran Hospital, Abatan, Buguias, Benguet.
Agad rumesponde ang mga tauhan ng Buguias MPS at nagtungo sa pinangyarihan ng insidente kaya naaresto ang suspek na si Jerry Tejada Cadano, 42 anyos, magsasaka, tubong Beti, Aritao, Nueva Vizcaya at kasalukuyang residente ng Lower Cagam-es, Amgaleyguey, Buguias, Benguet.
Sa follow up investigation na isinagawa sa hospital, napag-alaman na idineklarang dead on arrival ang biktimang si Chinaman ng attending physician na si Dr. Joan Tino at sinabing nagkaroon ng isang saksak sa kanang bahagi sa dibdib ang biktima habang nagtamo naman si Gumintang ng isang saksak sa kaliwang kilikili at kasalukuyang inoobserbahan.
Ang suspek ay nasa kustodiya ng Buguias MPS para sa karagdagang imbestigasyon at dokumentasyon. Nakuha mula sa suspek ang isang kitchen knife.
Ang tatlong lalaki ay nag-iinuman diumano bago ang insidente.

Amianan Balita Ngayon