Isyu sa Sultanate, diringgin sa konseho

Iniimbitahan ng Committee on Human Rights and Justice sa pamumuno ni Councilor Edgar Avila ang mga representative-members ng Muslim community sa mga sesyon nito upang bigyang-linaw ang mga bagay-bagay ukol sa pagtatalaga ng Sultan sa lungsod.
Sa isang liham ay humihiling si Yasser Guro ng National Commission on Muslim Filipinos ng isang ‘council resolution’ na nagbabawal ng pag-oordina ng isang Sultanate partikular sa isang nagngangalang Andy Muran na umano’y isang Muslim convert migrant sa Baguio.
Sinabi ni Guro na ang isang Baguio Sultanate position ay hindi kinikilala dahil sa Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM), Sulu, Maguindanao, Basilan, Tawi-tawi, at Lanao del Sur lamang ito kinikilala kung saan dominante ang Muslim.
Maliban dito ang pagpapalit ng kapangyarihan ay base sa ‘geneology’ na naaayon sa birthright na naitatag ng kasaysayan, dahil kung hindi, ang posisyon ay magiging ‘misleading’ at ‘cruel hoax’, ani Guro.
Ayon sa 1987Constitution, Section 31, Article VI ay nakasaad na: “No law granting a title of royalty shall be enacted,” pagdiriin ni Guro.
Sa kaniyang pahayag sa lingguhang media Ugnayan ay sinabi ni Domogan na welcome ang mga partidong may usapin na ihayag ang kanilang panig ng isyu. ABN

Amianan Balita Ngayon