Kagubatan sa Benguet, nasunog

Kasalukuyang iniimbestigahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang malaman ang lawak at halaga ng pinsala ng nangyaring forest fire sa Sitio Tinuping, Eddet, Kabayan, Benguet sa kahabaan ng Akiki Trail papuntang Mt. Pulag.
Sa ulat ng Benguet police, nakatanggap ng tawag ang Bureau of Fire Protection na nakabase sa Kabayan, Benguet mula kay Christian Lasbacan bandang 10:59am ng Nobyembre 13, 2018, tungkol sa naturang forest fire.
Agad nagtungo ang MDRRMC emergency personnel sa Akiki Trail Ranger Station upang makipag-ugnayan sa park ranger at tour guides upang beripikahin ang impormasyon.
Bandang 1pm ng parehong araw, dumating ang mga rumesponde sa Balangabang, Eddet, Kabayan, Benguet kung saan tanaw ang apoy sa di kalayuan at makikita ang apoy na kalat sa iba’t ibang direksyon.
Ayon kay park ranger Herson Felipe, aabutin ng anim hanggang walong oras na hike upang marating ang lugar at walang daan patungo sa fire scene.
Umaga ng Nobyembre 14 bandang 7:30am, dalawang grupo na kinabibilangan ng Kabayan Fire personnel ang umalis mula sa istasyon gamit ang MDRRM Emergency vehicle at nagtungo sa Abucot, Kabayan, Benguet. Habang si park ranger Orly Bugnay at kaniyang grupo ay natungo sa line 10, Bokod, Benguet.
Bandang 10:20am ng parehong araw, nakarating ang grupo sa Abucot Proper, Kabayan, Benguet kung saan makikita ang fire scene sa di kalayuan.
Idineklara ng mga fire responders ang fire out bandang 11:10am ng parehong araw, at walang casualties o mga bahay na nasira.
Ayon kay Julian Sumakey, barangay kagawad ng Abucot, Kabayan, Benguet na ayon sa mga hunters ng nasabing lugar, nagsimula ang sunog bandang 6am ng Nobyembre 12, 2018 sa creek bed ng Sitio Tinuping, Eddet, Kabayan, Benguet.
Ang tinatayang halaga ng mga nasira at land area ay isusunod na ideklara ng DENR kapag natapos ang kanilang follow-up investigation.

Amianan Balita Ngayon