KAMPANTE NA NAMAN

KAMAKAILAN lang ay ating binisita ang bakunahan sa isang vaccination center, para sa pangatlong booster shot, ang sinasabing Bivalent ng siyang panlaban sa mga bagong likhang mga anak ni Covid Omicron. Kasi nga naman, dahil sa napabalitang mga paglobo ng mga bagong kaso sa India at China – mga kalapit na bansa natin — hindi maiiwasang mangamba na mahawaan ng
sakit na dala ng mga bagong sibol na mutant. Halos hindi ako makapaniwala sa aking nakita sa loob ng vaccination center.

Walang pang 5 ka-tao ang naghihintay na maturukan. Mas marami pa ang mga front liner na mga anti-covid personnel ang pamasid-masid, hinihintay na magkaroon ng saysay ang kanilang isasagawang bakunahan. Kung pinayagang makapasok ang mga langaw, walang duda, puno ang
bulwagan! Ganito na nga ba tayong mga Pinoy? Nandyan pa rin si covid, pero marami sa ating mga
kababayan ang tila higit na pansin ang pag-usad ng buhay at ng pamumuhay.

Abala sa mga pang-araw-araw na pangangailangan, sa pangunguna ng paghahanapbuhay na dapat hindi pinalalampas dahil arawan ang karamihang mga manggagawa. Nitong nakaraang mga araw, medyo umangat ng kaunti, isang katiting na bilang na bumahin ka lamang ay nawawala. Wala pang .001 % ng total population ang kinapitan ni Covid. 5, 8, 3, 12, 2. Pa-usadusad ang bilang ng mga bagong kaso dito sa ating lungsod.

Kaya naman, maging an gating mga punong abala, walang dapat ikabahala. Pinaaalam lang ng mga
numero na pa-dos-dos ang pagdausdos ng mga numero. Kung bakunado na ng 4 na beses, ang dalawang dapat at ang mga sumunod na dalawa pa ay added boosters, ano nga naman ang ikakabahala. Eto nga at dumating na ang Bivalent, isang epektibong pang-dagdag ng immunity
ngayong meron na tayong mga bagong kaso ng panibagong variant.

Mag third booster na tayo, lalo na sa mga priority persons. Mga matatanda, mga may dinadalang karamdaman, mga frontliners. Ang siste, nakaumang na ang bakuna, wala pa ring brasong matuturukan. Noong isang gabi nga lang, ang dating 10,000 na mga bagong nahawaan ay nasa 450
na lang sa buong bansa.. Pero nitong mga huling linggo, lalo na simula noong Lunes, hindi na mapigilan ang pagbaba ng husto ng mga bagong kaso.

Para bagang nahulugan ng sinturon ang pantalon, kaya ayun laglag sa sahig. Kakaiba nga naman ang sitwasyon sa atin dine sa Baguio. Padala-dalawa ang average count ng new cases. Dos por dos ika nga. Kaya pala, tila walang katinag-tinag tayong taga-Baguio kahit na bulagain pa rin sila ni XBB, ang bagong super-variant. Idagdag pa na pwede na raw mag third dosage ng bakuna, sinasabi ring pinakabagong bakunang kayang lupigin at supilin si covid.

O, ayun, parang dumaang hangin ang mga paalala ng kinauukulan. Bisnis as usual, ika nga. Mismo ang ating Ama ng Lungsod, si Mayor Benjie, hindi nababahala. Kanyang binibigyang pansin ang mga sandamakmak na tungkulin ng kanyang tanggapan. Mga VIP guests sa iba’t ibang mga lugar.
Mga opisyal ng ibang pamahalaang local. At maging mga miyembro ng gabinete ni PBBM, eto paboriting pasayalan ang Baguio. Ang siste pa, si Yorme ay napaka teche. Data-driven. Malaki ang bilib sa mga produkto ng Artificial Intelligence.

Mga bagay na syang nagsalba sa atin sa kasagsagan ng pandemya. Kaya naman, hindi naglaon kanyang ginawang opsyonal ang pag-gamit ng face mask sa mga indoor environment. Samakatwid, tuloy ang agos ng buhay. Tuloy ang pag-inog ng mundo. Hindi na dapat maging pangamba si covid.
Senyales na nga raw ang mga pababa ng pababang bagong kaso. Nasa huling hingalo na si Covid.
Kinakapusan na ng final breath. Papalapit na sa huling hantungan. Kulang na lang ang pinakapenal na panalangin. Tulad ng sinabi ni Mayor, huwag ng magpaka-kampante ng tuluyan, at huling hininga na ni Covid.

Sa mga outdoor setting naman, nasa sa atin pa rin ang desisyon kung gagamitin pa rin ang face mask. Ibig sabihin, desisyunan na natin ang tama at sapat na pag-iingat upang maging protektado at ligtas. Ang mahalaga, patuloy nating pangalagaan ang ating mga sarili. Sa panahong patigok-tigok na si Covid, huwag pa rin tayong padadala sa simbuyo ng katuwaan upang kampante ng salungain ang panganib ng pagkakahawa. IngatTayoBaguio. AngatTayo. ProgresoTayo! LahatAsenso#

Amianan Balita Ngayon