Para sa mahigit na 600,000 magsasaka na Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa buong
bansa ay isang pangako ang natupad dahil nakalaya na sila matagal nang pagkakautang upang
maging ganap ng maging pag-aari nila ang lupang sinasaka at tila nabunutan ng tinik sa paglagda
ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Republic Act (RA) No. 11953 o ang New
Agrarian Emancipation Act. Ang New Agrarian Emancipation Act ay bebenipisyuhan ang nasa
610,054 Pilipinong magsasaka na nagsasaka ng mahigit sa 1.7 million ektarya ng lupa na agrarian
reform lands, at makakawala sa pagkakautang mula sa PhP57.65 billion ng agrarian arrears.
Sa ilalim ng umiiral na mga batas sa agrario, bawat agrarian reform beneficiary (ARB) ay
kailangang bayaran ang halaga ng lupang ibinigay sa kaniya ng gobyerno sa loob ng 30 taon na
may 6 porsiyentong interes. Noong Setyembre 13, 2022 ay nilagdaan ni PBBM ang Executive
Order No. 4 na nagpapatupad ng isang-taong moratorium sa pagbabayad ng amortisasyon sa
utang sa agrario ng mga benepisaryo.
Binabalewala ng batas ang lahat ng hindi pa nababayaran na mga amortisasyon, kasama ang mga interes at mga patong na singil o surcharges para sa mga iginawad na mga lupa sa ilalim ng RA No. 6657, o ang Comprehensive Agrarian Reform Law, at iba pang mga batas ng agrarian reform. Mababalewala ang mga ito kung ang mga ARB na ito ay nagkautang sa gobyerno hanggang katapusan ng 2022. Ang principal loans na may halagang PhP14.5 bilyon ng mga 263,622 ARBs na ang mga pangalan at mga detalye ng utang ay naisumite na ng Landbank of the Philippines sa Kongreso ay mababalewala na agad.
Ang pagbabalewala sa natitirang PhP43.06 bilyon na mga utang ng 346,432 ARBs ay magkakabisa sa oras na maisumite ang mga detalye ng pagkakautang nila ng LBP at ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Kongreso. Aakuin ng gobyerno ang obligasyon para sa pagbabayad ng makatuwirang kabayaran sa mga may-ari ng lupa sa ilalim ng Voluntary Land Transfer o Direct Payment schemes para sa kapakanan ng 10,201 ARBs na may kabuuang bayarin na PhP206.25 million. Kaugnay ng pagbabalewala sa mga pagkakautang ay ipinagkaloob din ang mga titulo ng lupa sa mga ARB. Marahil ay ang bagong batas ay isang panlipunang katarungan na magtatama sa mga kawalang-katarungan sa mga magsasaka at makakapag-umpisa muli ang mga ito.
Sa kabila nito ay mayroon pang nasa 600,000 hanggang 700,000 ektarya ng mga lupang nasa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) na nananatiling hindi pa naipapamahagi sa ilalim ng mga nakaraang administrasyon. Ngayong nabalewala na ang mga utang ay magiging madali na para sa mga developer na bilhin ito at kalauna’y ikonvert ang lupa para sa hindi pang-agrikulturang gamit. Ang pagdevelop ng mga lupang pang-agrikultura para sa komersiyal na gamit ay isa sa maraming paraan ng mga may-ari ng lupa na makaiwas sa muling pamamahagi ng lupa noon.
Hindi natatapos sa pagbabalewala ng mga utang at pamamahagi ng titulo sa mga magsasakang benepisaryo ang pagtulong sa mga magsasaka. Kailangan ang tunay na repormang agrario, tuloy-tuloy at napapanatiling suporta at tulong sa mga magsasaka upang huwag silang masilaw sa kaway ng mga developer na ibenta ang mga lupa makatawid lamang sa hirap ng buhay. Kailangan ding maabot ang pangarap ng bawat isang magsasaka upang makamit ang pangarap na walang nagugutom na Pilipino, at huwag sanang mabalewala ang pagbabalewala ng gobyerno sa mga utang ng mga ARB.
July 15, 2023
November 1, 2024
October 26, 2024
October 19, 2024
October 12, 2024
October 5, 2024
September 29, 2024