KASARINLAN, KALAYAAN

BUKAS ay muli nating gugunitain ang makasaysayang pagpapahayag ng ating kalayaang ating tinatamasa ngayon. Ang nangyari sa Kawit ay isang maalab na yugto ng ating kasaysayang hitik sa
kabayanihan ng hindi mabilang na mga Pilipinong naghangad ng buhay ng walang sinomang
banyaga nanghihimasok. Kaya naman, makabuluhang unawain ang halaga ng deklarasyong
naibahagi sa buong mundo sa dakilang araw iyon. Kasarinlan ang binigyang tinig, ng kalayaang balangkasin ng Pilipino ang dadahaking buhay ng binuong bansa.

Sa Kawit nagkaroon ng kaganapan ang damdaming tahakin natin ang landas ng kasarinlan. Isang daan at dalawampo’t limang taon na nating binibigyang halaga ang kasarinlang tinatamasa, gayung ang nangyari sa Kawit ay winalang bahala ng ibang mananakop na banyaga. Sa isang iglap,
naisakamay ng kakaibang uri ng mananakop ang Pilipinas. Hindi nangyari ang naideklarang kasarinlan. Bagkus, nagkaroon pa ng higit limampung taon ang pananakop sa atin sa ilalim ng
namamahalang bagong sibol na banyagang kapangyarihan.

Kung nakahulagpos man ang Pilipino sa pamamahala ng bagong banyaga noong 1945, sa pagtatapos ng World War II, nakamit nga ban g tuluyan ang maging malaya sa pagtahak sa landas ng pagiging bansa? Demokrasya nga bang maituturing na sa bawat galaw ng binuong bansa ay patuloy ang paninikluhod sa iba pang mga bansang higit na may yaman, higit na may tinig, higit
na may pwersang ipagdiinan ang kanilang interes sa mahihinang bansang tulad natin? Hindi maikakaila na may mga panahong ating binigyang tinig ang kalayaang naideklara sa Kawit.

Ngunit ang tinig na nagingibabaw ngayon ay tinig ng mga Pilipinong dugo, pawis at luha ang ipunupuhunan sa labas ng bansa mairaos lamang ang mga pangangailangan ng pamilyang mabuhay ng maayos. Ang maging malaya ba ay lisensya para ilayo ang hanay ng mga may kaya sa hanay ng mga walang-wala? Sa mga susunod na paggunita n gating kasarinlan, sana naman ay mamulat an gating kamalayan sa patuloy na abuso, kasakiman, at pagkagahaman na nararanasan sa bawat hampas ng araw at hambalos ng panahon.

At huwag naman sanang maging huwad na pangarap ang pagiging isang bansang binuo ng mga pagsisikap upang ang bawat isa ay kabahagi ng kapwa. Isang masinop, mapagalaalang pagpapahalaga sa ngalan ng kasarinlang yayabong lamang sa kalayaang may responsibilidad. Mabuhay tayong mga Pilipinong patuloy pa ring lumalaban, maiwaksi lamang ang mga pagmamalabis ng iilan. Progreso ng mas nakararami, ating itaguyod ng walang pasintabi. Diyan tayo aangat, aahon, babangon. Muli at muli!#

Amianan Balita Ngayon