Katatagan ng retaining wall ng Irisan dumpsite, siniguro

LUNGSOD NG BAGUIO – Siniguro ni bagong talagang City Administrator Bonifacio dela Peña sa mga residente na nakatira sa baba ng Irisan controlled dump facility na ligtas at matatag ang retaining wall na ginawa ng lokal na pamahalaan upang mapigilan ang pag-apaw ng basura mula sa closed facility.
Ginawa ang pahayag na ito ni dela Peña sa mga opisyal ng barangay Asin at Irisan na ipinarating sa atensiyon ni Mayor Benjamin Magalong ang pangamba ng mga residente na nakatira sa ibaba ng nasabing istruktura sa posibleng pagkaulit ng 2012 trash slide na kumitil ng mga inosenteng buhay.
“We were personally involved in the designing of the structure after the deadly trash slide in 2012 thus the safety and stability of the structure is guaranteed and there will be no repeat of the said incident because of the planned conversion of the former open dumpsite to an eco-park,” pagdiriin ni dela Peña.
Siniguro din niya na ang lokal na gobyerno ay hindi magdadagdag sa kasalukuyang stockpile ng raw compost na ginawa ng nakaraang operasyon ng dalawang Environmental Recycling System (ERS) machine dahil ito ay muling mapoproseso sa compost fertilizer ng partner ng lungsod na Rapport Innovations.
Ang trash slide na nangyari sa kasagsagan ng pananalanta ng bagyong Mina noong Agosto 27, 2012 ay nagbunsod sa pagpila ng Writ of Kalikasan laban sa lungsod na naging dahilan upang maipasara ang Irisan dumpsite at pansamantalang paghakot ng residual waste ng lungsod sa Engineered Sanitary Landfill (ESL) sa baba.
Ayon sa mga inhenyero ng Rapport Innovations, ang dalawang ERS machine na binili ng lokal na gobyerno noong 2011 ay maayos na kagamitan subalit sa paglipas ng panahon ay nasira at kasalukuyang kinukumpuni para sa kanilang posibleng lubos na operasyon sa Hulyo 20, 2019.
Sinabi ni Mayor Magalong na base sa assessment ng mga siyentipiko mula sa Department of Science and Technology (DOST) at Adamson University ay may mali sa operasyon ng ERS machines subalit ang mga nakatalaga dito ay hindi iniulat ang problema sa lokal na gobyerno para sa agarang pagsasa-ayos bagkus ay itiniuloy nila ang lubos na operasyon nito na naging dahilan ng mabilis na pagkasira ng mga ito.
Hinawakan ng contractor ang operasyon ng ERS machines noong Mayo 2019 matapos pagtibayin ng konseho ng lungsod ang memorandum of agreement ng Rapport Innovations sa operasyon ng pasilidad na halos walang gastos ang lungsod.
Ang ERS machines ay layong i-convert ang mga nabubulok na basura sa compost fertilizer bilang income generarting project ng pamahalaang lungsod ngunit hindi ito natupad dahil sa hindi naiulat na mga depekto sa kanilang operasyon sa loob ng ilang taon.
 
DAS-PIO/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon