Marijuana una sa mga iligal na droga na nakumpiska sa Cordillera

LUNGSOD NG BAGUIO – Una ang marijuana sa listahan ng mga iligal na droga na nakumpiska sa rehiyon ng Cordillera sa unang tatlong buwan ng taong ito.

Iniulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) – Cordillera noong nakaraang Lunes na may kabuuang PhP144,974,864 halaga ng iligal na droga na iba’t-ibang uri ang nakumpiska.
Ang halaga ng halamang marijuana at sinira ay umabot sa PhP127.03 milyon. Ito ay sinundan ng tuyong dahon ng marijuana na may halagang PhP10.87 milyon; fruiting tops PHP2.96 milyon; marijuana stalks PHP2.77 milyon; shabu PHP1.31 milyon; at hashish PHP599 milyon.

“This is part of the continuing supply reduction effort of the government,” ani Edgar Apalla, PDEA-Cordillera regional director.

Sinabi ni Apalla na walang sindikato ng droga o laboratory ng droga ang nag-ooperate sa Cordillera, gayunpaman, ang problema sa pagtatanim ng marijuana ay patuloy na problema.

“The Cordillera’s drug situation is improving but we also need special attention to get rid of the marijuana cultivation in some barangays of Tinglayan in Kalinga and Kibungan in Benguet,” ani
Apalla.

Sa idinaos na last quarter joint meeting ng Regional Development Council at Regional Peace and Order Council noong nakaraang taon ay binaggit ni Apalla ang pagbabalik ng pagtatanim ng marijuana sa mga barangay na dating natukoy na lugar ng plantasyon.

Sa first quarter ng taon, ilang eradication operation ang nagpakita ng positibong resulta na dahilan ng pagsira sa mga plantasyon ng marijuana sa Kibungan at Tinglayan.

Dagdag pa ni Apalla na ang intelligence at negation operations ay walang tigil pa rin upang maaresto ang mga lumalabag sa anti-illegal drug law.

Base sa mga talang ibinahagi, ang mga operatiba ng gobyerno na binubuo ng PDEA, Philippine National Police, Philippine Army at iba pang law enforcement unit ay nagsagawa ng 228 intelligence operation na nagbigay-daan sa pagka-aresto ng 58 tao, maliban sa 29 high value target (HVT).

Sinabi ni Apalla na ang HVT ay ang mga tao na kabilang sa target list ng ahensiya at mga napatunayang may dala o itinatagong malaking kuwantidad ng iligal na droga.

Ayon pa kay Apalla, ang mga law enforcement agency ng gobyerno ay patuloy na nagsasagawa ng aktibidad na may adbokasya upang maturuan ang publiko hinggil sa masamang epekto ng mga iligal na droga.

PNA/PMCJr./ABN

Amianan Balita Ngayon