MASUSTANSYANG AGAHAN HATID NG ”DUTING TAN DUKTO”

LA TRINIDAD, Benguet

Mahigit sa 800 kalahok sa isinagawang Strawberry Fun Run, ang nagtipon-tipon sa municipal park na nagsilbing breakfast venue para makilahok din sa sa “Duting Tan Dukto”, noong Marso 9. Ang “Duting Tan Dukto,” mula sa wikang Ibaloi ay strawberry at kamote, na kanilang naging breakfast at ito ay hindi lamang nagtatampok ng mga produkto mula sa La Trinidad, kundi naging tulay din para sa mas malalim na pagkakaintindihan at pagpapahalaga sa mga lokal na ani.

Ayon kay Yoshio Labi, DRRM municipal officer, ang nasabing aktibidad ay naglalayong hindi lamang magreplenish ng enerhiya ng mga tumakbo kundi maging isang pagtitipon din para sa buong komunidad. “Isa ring tradition nito, na i-showcase natin yung strawberries natin, pati yung mga, yung kamote at saka yung mga ibang mga foods natin dito sa Cordillera,” pahayag ni Labi. Nagkakahalaga ng 100 piso bawat plato, ang mga kalahok sa “Duting Tan Dukto” ay nagkaroon ng pagkakataon na magbigay pugay sa lokal na agrikultura habang tinatamasa ang isang balanseng agahan na binubuo ng itlog, karne, gulay, sariwang strawberries, strawberry jam, at yogurt.

Hindi lamang ito para sa mga nag-Fun Run, bukas ito para sa lahat na nais mag-almusal kasama ang kanilang mga pamilya at kaibigan, sa gayon ito’y naging isang aktibidad na nagpapatibay ng samahan. Ayon kay Dr. Antonette Agpas, Municipal Health Officer, ang kahalagahan ng nutrisyon lalo na pagkatapos ng isang pisikal na aktibidad tulad ng Fun Run. “Siyempre, always promote proper nutrition. Yung balanced diet, siyempre. Para ma-protect din yung health ng ating community.”

Isang residente ng La Trinidad na nakilahok sa parehong Fun Run at “Duting Tan Dukto” ang nagpahayag ng kanyang pagtangkilik sa taunang pagdiriwang. “Strawberry Festival naman is, parang, taon-taon na ginaganap dito sa La Trindad, Benguet. At dito nga yung sentro ng strawberry production natin. So, as a community, join lang tayo sa mga activities. Hindi lang naman yung dito yung makikinabang, kundi pati rin yung sarili natin for health.” Sa ganitong mga inisyatiba, ang La Trinidad ay hindi lamang nakikilala sa yaman ng kanilang mga ani kundi pati na rin sa yaman ng kanilang kultura at kalusugan, isang tunay na halimbawa ng isang masigla at malusog na pamayanan.

Katrine Dumling/UB-Intern

Amianan Balita Ngayon